NHA

Housing loans, lease payments may isang buwang moratorium

Jun I Legaspi Nov 15, 2025
315 Views

INANUNSUYO ng National Housing Authority (NHA) na kasalukuyang nagpapatupad ang ahensya ng isang buwang moratorium sa housing loan amortization at lease payments para sa Nobyembre 2025, upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga benepisyaryo nito na naapektuhan ng pananalasa kamakailan ng mga bagyong Tino at Uwan.

Ang NHA, sa ilalim ng liderato ni General Manager Joeben A. Tai, ay naglabas ng guideline sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 2025-172 at 2025-173 kung saan dito nakasaad ang awtomatikong isang buwang moratorium sa pagbabayad para sa mga residential account holders nito na naninirahan sa National Capital Region (NCR), Negros Island Region (NIR), the Cordillera Administrative Region (CAR), the CARAGA (Region 13), at sa probinsya ng Palawan.

“Bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na magbigay ng tulong sa mga pamilyang apektado ng mga kalamidad na humagupit nitong buwan, partikular na po itong Bagyong Uwan, agaran po tayong nagpatupad ng isang buwang moratorium para sa ating mga benepisyaryo sa ilang rehiyon ng ating bansa,” ani GM Tai.

Batay sa circular, sinususpinde ng NHA ang lahat ng pagbabayad ng amortization at lease payments na babayaran mula Nobyembre 1 hanggang 31, 2025.

Bukod dito, idinagdag ng ahensya na walang delinquency o karagdagang interest charge na ipapataw sa loob ng isang buwang suspensyon.

Nabanggit din ng NHA na ang anumang pagbabayad na ginawa sa loob ng moratorium period ay lalapat ayon sa umiiral na hierarchy of payments.

Ang pagkolekta ng mga bayarin para sa housing amortization, lease payments, maging ng mga penalties at interest charges ay magpapatuloy sa Disyembre 1, 2025.

Binigyang-diin ng aktibidad ang layunin ng NHA na mag-alok ng pinansyal na tulong para sa mga pamilyang naninirahan sa resettlement at project sites ng ahensya upang mapagaan ang kanilang mga pasanin at magbigay-daan para sa mga benepisyaryo na tumuon sa muling pagtatayo ng kanilang mga tahanan at buhay nang walang karagdagang pag-aalala sa mga obligasyon sa pagbabayad.

Ito ang ikaapat at ikalimang moratorium activity ng ahensya sa loob ng kasalukuyang taon kasunod ng nangyaring pananalasa ng Southwest Monsoon (Habagat), Bagyong Crising, Dante, and Emong noong Hulyo: ng Bagyong Mirasol, Nando, and Ompong sa Masbate, gayundin ang magnitude 6.7 na lindol sa Cebu nitong Oktubre, at ang magnitude 7.4 and 6.8 na lindol sa Manay, Davao Oriental.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, muling pinagtitibay ng NHA, na isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development, ang pangako nito na magbigay suporta at tulong sa mga benepisyaryo ng pabahay nito sa oras ng higit na pangangailangan.