BBM1

PBBM, ‘di papatulan paratang ni Zaldy Co ukol sa budget insertion

571 Views

HINDI pinansin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paratang ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na siya umano ang nag-utos ng P100 bilyong halaga ng insertions sa 2025 national budget.

“Huwag na natin patulan pa ang sinasabi niya,” pahayag ni Marcos sa isang media interview sa La Castellana, Negros Occidental, nang tanungin siya tungkol sa mga alegasyon ni Co na siya ang nag-utos sa insertion sa 2025 na batas sa paggasta.

Ang pahayag ni Marcos ay sumunod matapos maglabas si Co ng dalawang video sa Facebook kung saan ipinahayag niyang inutusan siya ni Marcos at ng dating Speaker ng Kamara na si Martin Romualdez na maglagay ng P100 bilyon sa 2025 national budget.

Sa ikalawang video na inilabas noong Sabado, sinabi ni Co na ang buong P100 bilyon na insertions ay napunta kay Marcos at Romualdez.

Ayon pa kay Co, tumanggap si Marcos ng PHP25 bilyon bilang isang “SOP” (standard operating procedure), at idinagdag niyang ang perang nakalagay sa mga maletang ipinadala ay dinala sa opisyal na tirahan ng Pangulo sa loob ng Malacañang compound.

Sa isang pahayag, tinawag ni Acting Secretary Dave Gomez ng Presidential Communications Office na isang “bunch of hearsay” ang bagong paratang ni Co.

Inulit din ni Gomez ang hamon kay Co na bumalik sa bansa at “harapin ang mga paratang” kaugnay ng umano’y pagkakasangkot nito sa mga anomalya sa flood control projects.

“Parang sirang plaka na kami. Ang sinasabi niya, puro tsismis lang. Sabi nito, sabi ni ganito. Hindi nga nirewrite ang script sa ikalawang video kahit na sumabog na yung una,” aniya.

“Patuloy naming inuulit ang hamon. Bumalik ka sa bansa, pumirma ng mga pahayag na may pirma sa ilalim ng saksi, at harapin ang mga paratang.” Philippine News Agency