Pulis

HPG member pinaulanan ng bala ng 2 holdaper, kritikal

Edd Reyes Aug 2, 2025
583 Views

KRITIKAL ang isang opisyal ng pulisya matapos pagbabarilin ng dalawang holdaper habang sugatan ang isang security guard na tinamaan ng ligaw na bala sa naganap na insidente ng panghoholdap Biyernes ng gabi sa Makati City.

Walong tama ng bala, isa rito ay sa ulo, ang tinamo ng biktimang si Lt. Dexter Pascua, 46, nakatalaga sa Highway Patrol Group (HPG) ng Police Regional Office (PRO)-4A at residente ng Brgy. San Isidro, Makati habang nakalabas na ng pagamutan ang security guard na si alyas “Aquino” matapos malapatan ng lunas sa tinamong daplis na tama ng ligaw na bala sa kanang bahagi ng baywang.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Acting District Director P/BGen. Randy Arceo, nakikipag-kuwentuhan si Lt. Pascua sa mga kakilala habang hinihintay matapos ang ipinalilinis na sasakyan sa kanto ng Edison at Faraday Streets, Brgy. San Isidro nang sumulpot ang dalawang holdaper dakong alas-8:05 ng gabi.

Tinutukan ng baril ng mga suspek ang pulis at tinangkang hablutin ang suot niyang kuwintas pero kaagad na nakaiwas at nakatakbong palayo. Nang huhugutin ng pulis ang nakasukbit na baril sa baywang, sunod-sunod na siyang pinaputukan ng mga suspek.

Habang duguang nakahandusay, lumapit ang isa sa dalawang suspek sa biktima at puwersahang hinablot ang suot na kuwintas at kinuha ang kanyang baril bago mabilis na nagsitakas sakay ng motorsiklo patungo sa Edison St.

Isinugod naman ng mga nakasaksi ang biktima sa St. Claire Hospital kung saan isasailalim muna siya sa masusing pagsusuri bago operahan ang tama ng bala sa ulo habang sa Ospital ng Makati naman ginamot ang sekyu na si Aquino.

Nakuha ng mga tauhan ng Forensic Group ng SPD sa lugar ng krimen ang kabuuang 14 piraso ng basyo ng bala at isang tingga mula sa kalibre .9mm pistol habang patuloy ang pagsasagawa ng pagtugis sa mga suspek.