Ledesma Inihayag ni PhilHealth president at chief executive officer Emmanuel Ledesma Jr. ang paglulunsad ng PhilHealth ng mas pinalawak na mga benepisyo.

Huwag matakot sa gastos sa sakit, sagot ka ng PhilHealth – Ledesma

92 Views

SA panahon ng mga hamon ng kalusugan, ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ay nananatiling kaagapay ng bawat Pilipino sa pagharap sa mga gastusing medikal.

Ito ang inihayag ni PhilHealth president at chief executive officer Emmanuel Ledesma Jr. kasabay ng ginawang paglulunsad ng PhilHealth ng mas pinalawak at mga bagong benepisyo.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang sistema ng kalusugan sa bansa, dinagdagan ng PhilHealth ng hanggang 50 porsiyento ang benepisyo sa mga sakit na karaniwang nakakaapekto sa mga Pilipino, kabilang dito ang pneumonia, severe dengue, stroke, chronic kidney disease, asthma, sepsis, ischemic heart disease, cataract at hemodialysis.

Bago matapos ang taon ay sakop na rin ng PhilHealth benefit ang chemotherapy para sa ilang cancers kabilang ang lung, liver, ovary at prostrate.

“This move aims to protect families from falling into poverty due to medical expenses,” pahayag ni Ledesma.

Ipinagmalaki ni Ledesma na hanggang 2026 ay nakalatag ang pondo para sa benefit package para mga Pilipino kaya naman walang dahilan para hindi magpakonsulta at magpa-confine.

Ipinagmamalaki rin ng PhilHealth na ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asia Pacific na naglunsad ng isang outpatient therapeutic care package para sa severe acute malnutrition na sinimulan nang ipatupad noong Oktubre 1, 2024.

Nasa P7,500 halaga ng malnutrition package ang maaaring matanggap ng mga sanggol na edad 0 hanggang 6 na buwan gulang, habang P17,000 naman sa mga may edad 6 na buwan hanggang 5 taon.

Layunin ng benepisyong ito na labanan ang malnutrisyon sa mga bata at bawasan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang apektado nito.

Bilang karagdagan, inalis na rin ang patakaran sa Single Period of Confinement (SPC) upang matulungan ang mga miyembrong nangangailangan ng tuloy-tuloy na gamutan.

Tataas din ng 59 porsiyento ang benepisyo para sa hemodialysis, mula P4,000 ay magiging P6,350 kada dialysis, na simulang mararamdaman ng mga pasyente sa Nobyembre.

Dahil dito ay aabot na sa halos P1 milyon kada taon ang benepisyo sa bawat dialysis patient na makakatanggap pa rin ng kabuuang 156 dialysis treatment kada taon.

Kasabay ng pagpapalawak ng benepisyo, gumagamit din ang PhilHealth ng makabagong teknolohiya upang mapabuti ang kanilang mga serbisyo.

Nakipagtulungan ang PhilHealth sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Health (DOH) at Philippine Statistics Authority (PSA) upang mas mapadali ang proseso ng mga serbisyo ng PhilHealth, lalo na para sa mga nasa malalayong lugar.

Sinabi ni Ledesma na pinalawak din ang programang “Konsulta” na nagbibigay ng libreng konsultasyon, diagnostic tests at mga gamot.

Kabilang sa Konsulta Program ang pagbibigay ng 21 klase ng gamot, primary care services at 15 na diagnostic services kasama ang mammography gayundin ang ultrasound sa breast, abdomen at pelvic.

Samantala, pinawi ni Ledesma ang pangamba na mawawalan ng pondo ang PhilHealth. Aniya, maraming funding support ang PhilHealth kaya hindi concern ang mauubusan ng pondo ang ahensya.

Aniya, nagkaroon na rin ng pagbabago sa pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital, sa katunayan, ikinalulugod ng Philippine Hospital Association ang maagap nang pagbabayad ng PhilHealth kaya naman ang apela ni Ledesma sa publiko ay huwag magatubiling magpa-checkup o magpa-confine kung may iniindang sakit dahil kaagapay ng bawat Pinoy ang PhilHealth.

Upang mas maabot ng PhilHealth ang mas nakararaming Pilipino, umaapela si Ledesma sa healthcare providers, pribado man o publiko, na magpa-accredit sa PhilHealth para makapagbigay ng mas abot-kayang serbisyong medikal.

“Sama-sama nating itaguyod ang isang mas malusog at matatag na Pilipinas,” pagtatapos pa ni Ledesma.