Calendar
SOURCE: Police Regional Office 4A
HVI bagsak sa kulungan dahil sa P680K shabu
BAGSAK sa kulungan ang isang itinuturing na High Value Individual matapos maaresto sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Laguna Provincial Drug Enforcement Unit at Rizal Municipal Police Station sa Brgy. Antipolo, Rizal, Laguna nitong Setyembre 29.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jomar,” 33, walang trabaho at nasa listahan ng mga HVI. Nasamsam mula sa kanya ang tinatayang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680,000 base sa Standard Drug Price.
Ayon kay Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO CALABARZON, malaking puntos ang operasyon sa pinaigting na kampanya kontra droga ng pamunuan ng PNP.
Pinuri niya ang masinsinang trabaho ng Laguna Drug Enforcement Unit at Rizal MPS na isinagawa sa ilalim ng koordinasyon ng PDEA 4A.
“Lubos ang aking pasasalamat sa ating masisipag at mahuhusay na operatiba, lalo na sa ating mga kasamahan mula sa Drug Enforcement Unit ng Laguna at Rizal Municipal Police Station. Sa ilalim ng 7-Point Agenda ng ating Chief PNP, patuloy nating isinusulong ang pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga,” ani PBGen. Lucas.
Nasa kustodiya na ngayon ng Rizal Municipal Police Station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. By TONIGHT SPOTTERS

