Shabu

HVI na obrero tiklo sa P.4M shabu sa Mabalacat

Bernard Galang Nov 5, 2025
466 Views

MABALACAT CITY, Pampanga — Isang 22-anyos na construction worker na itinuturing na high-value individual (HVI) ang naaresto sa isang anti-illegal drug operation sa Barangay Dau noong Martes, kung saan nasamsam ang tinatayang P408,000 halaga ng shabu.

Sa ulat na isinumite kay PRO3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio I. Peñones Jr., kinilala ang suspek na si alyas “Totz”, residente ng Balibago, Angeles City.

Ayon kay Mabalacat City police chief Lt. Col. Efren David isinagawa ang operasyon sa Spillway area ng Barangay Dau sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Mabalacat City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3 Pampanga Provincial Office, na nagsilbing support unit.

Nasamsam mula sa suspek ang tinatayang 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000, kasama ang marked money na ginamit sa operasyon.

Pinuri ni Brig. Gen. Peñones ang matagumpay na koordinasyon ng mga yunit na nagsagawa ng operasyon, at binigyang-diin na ito ay patunay ng patuloy na pagtutok ng PRO3 sa kampanya laban sa iligal na droga sa Gitnang Luzon.

“Ang pagkakaaresto sa high-value individual na ito ay malinaw na mensahe na patuloy naming tutugisin ang mga sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga. Layunin naming panatilihing ligtas at walang droga ang ating mga komunidad,” pahayag ni Peñones.