CIDG hinuli 2 MWP sa Pampanga

Bernard Galang Nov 5, 2025
277 Views

ANGELES CITY, Pampanga — Dalawa sa most wanted persons sa Gitnang Luzon ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 3 (RFU3) noong Lunes, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya sa ilalim ng OPLAN PAGTUGIS, katuwang ang Police Regional Office 3 (PRO3).

Naaresto ng mga tauhan ng CIDG Angeles City Field Unit (CFU), sa koordinasyon ng PRO3 Regional Intelligence Division–Cyber Patrol Team, Angeles City Police, at Criminal Investigation Unit (CIU-ACPO), si alias Gale, 27, residente ng Capaya II, Angeles City, na itinuturing na no. 1 most wanted sa rehiyon.

Ang pag-aresto ay batay sa warrant of arrest na inilabas ng RTC Branch 114, Angeles City, noong Oktubre 27, 2025, para sa 19 bilang ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 (RA 9208). Walang piyansa ang inirekomenda para sa kanyang kaso.

Ang mga kaso ay nag-ugat sa isinagawang rescue operation noong Disyembre 2024 sa Porac, Pampanga, kung saan nailigtas ng mga awtoridad ang 24 na kababaihang biktima ng umano’y human trafficking scheme.

Batay sa imbestigasyon, si Gale umano ang isa sa mga sangkot na bugaw, dahilan upang sampahan siya ng kasong kriminal at ilabas ang naturang warrant of arrest.

Kinahapunan, ang mga tauhan ng CIDG Pampanga Provincial Field Unit (PFU), sa tulong ng Pampanga Provincial Intelligence Team (PIT), ay naaresto naman si alias Dolfo, 64, residente ng Barangay San Jose, Lungsod ng San Fernando, Pampanga, na no. 2 most wanted sa rehiyon.

Si Dolfo ay inaresto batay sa mga warrant of arrest na inilabas ng RTC Branch 41, San Fernando City, para sa mga paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) at Unlawful Possession of Firearm sa ilalim ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Pinuri ni CIDG Regional Field Ulit 3 (RFU3) Chief Col. Grant Gollod ang matagumpay na koordinasyon ng mga yunit na nagsagawa ng operasyon, at binigyang-diin na ang mga pag-arestong ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng CIDG na tugisin at dakpin ang mga wanted persons sa buong Gitnang Luzon.

“Ang mga operasyong ito ay nagpapatunay ng aming matatag na hangarin na maihatid sa hustisya ang mga lumalabag sa batas at masigurong mananagot ang mga nagkasala,” aniya.