Chopper SOURCE: PNA/PTV

PAMAHALAAN NAGLUKSA SA PAGKAMATAY NG 6 NA CREW NG AIR FORCE CHOPPER SA RELIEF MISSION

286 Views

NAGLUKSA ang pamahalaan sa pagkamatay ng piloto at limang kasapi ng crew ng Air Force Super Huey helicopter na bumagsak noong Martes sa Loreto, Agusan del Sur, habang nagsasagawa ng misyon upang maghatid ng tulong sa mga residente na naapektuhan ng bagyong Tino.

Isinasagawa na ang imbestigasyon upang alamin ang sanhi ng pagbagsak. Maagang dumating noong Miyerkules ng umaga sa lugar ng insidente ang air crash investigators mula sa Philippine Air Force (PAF) at isang team ng Philippine National Police Scene of Crime Operation (SOCO) upang magsagawa ng on-site investigation.

Layon ng imbestigasyon na matukoy ang mga posibleng dahilan ng pagbagsak, kabilang na ang mga teknikal na problema.

Ang naturang helicopter ay bahagi ng grupo ng mga sasakyang panghimpapawid ng PAF mula Davao City na inatasang magsagawa ng rescue at relief operations sa mga lugar sa Caraga region na sinalanta ni Tino nang mangyari ang aksidente.

Nakarekober na ang mga sundalo at pulis ng anim na bangkay mula sa lugar ng pagbagsak. Pinaniniwalaang ito ay ang piloto at mga kasapi ng kanyang crew, ngunit hindi pa sila agad pinangalanan habang hinihintay ang opisyal na abiso sa kanilang mga pamilya.

“Nanawagan ang EastMinCom sa publiko na magbigay ng pang-unawa, dasal at kooperasyon habang nagpapatuloy ang mga pagsisikap na matukoy at marescue ang mga crew. Magbibigay kami ng karagdagang impormasyon kapag ito ay magagamit na,” pahayag ng Armed Forces of the Philippines Eastern Mindanao Command.

Samantala, ipinaabot ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang kanilang taos-pusong pakikiramay at buong suporta sa PAF kaugnay ng malungkot na pagpanaw ng anim na magigiting na kawal-himpapawid.

Anila, sa oras ng dalamhati, kaisa ang DOTr at CAAP ng PAF, ang mga naulilang pamilya at lahat ng kasamahan na apektado ng insidenteng ito.

Dagdag pa nila, ginugunita at pinararangalan ang kanilang tapang, dedikasyon at walang pag-iimbot na paglilingkod sa bayan ― mga katangiang mananatiling buhay sa alaala at pagpapahalaga ng sambayanan.

Muling pinagtitibay ng DOTr at CAAP ang kanilang paninindigan sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad ng himpapawid ng Pilipinas. Nina ALFRED DALIZON, JUN LEGASPI & ZAIDA DELOS REYES