Ian Veneracion at Direktor Lester Pimentel Ong Ian Veneracion at Direktor Lester Pimentel Ong

Ian Veneracion balik aksyon sa ‘One Good Day’

Eugene Asis Oct 22, 2022
452 Views

SA loob ng apatnapung taon, matagumpay na napatunayan ni Ian Veneracion na isa siya sa pinakamagaling at hinahangaang aktor sa mundo ng Philippine showbiz. Nag-umpisa sa pagiging child at teen actor, nakilala din si Ian sa industriya bilang isang action star noong ‘90s at early 2000s. Ilan nga sa kanyang mga nagawa ay ang “Zaldong Tisoy,” “Halang Ang Bituka,” “Sgt. Bobby Aguilar: Isa Lang Ang Buhay Mo,” “Ben Balasador: Akin ang Huling Alas,” “Bastardo,” “Armadong Hudas” at “Totoy Hitman.

Mula sa paggawa ng aksyon, naipamalas pa niya ang kanyang galing sa pag-arte nang mabigyan ng mga proyekto sa iba-ibang genre katulad ng drama, romantic-comedies, horror, at suspense na lahat minahal ng mga Pilipino ano mang henerasyon.

Dahil sa kanyang walang kapares na dedikasyon, talaga namang nananatiling maunlad ang kanyang karera. Kaya sa kanyang ika-apat na dekada sa showbiz, handa na si Ian na magbalik aksyon sa “One Good Day,” isang action series ng Studio Three-Sixty na ipapalabas online sa November 17 sa Amazon Prime Video.

“Masu-surprise sa ganda ng quality ang mga Pinoy viewers natin sa series na ‘to. Dahil sa current technologies na available ngayon, mas mataas na ang kalidad ng mga shots at tunog, pati na yung storya at fight scenes mas creative na kaya talagang proud kaming maipamalas dito yung Filipino talent pagdating sa filmmaking,” pahayag ni Ian.

Sa “One Good Day,” gagampanan ni Ian ang role ni Dale Sta. Maria, isang hitman na umalis sa Rodrigo Organization matapos niyang malaman na siya ay merong tumor sa utak at nalalapit na ang kamatayan. Pero dahil sa pagkamatay ng kanyang mga mahal sa buhay, umalis sa pagreretiro si Dale at napilitang gawin ang kanyang huling personal na misyon.

Nangunguna para maisabuhay ang kaabang-abang na action series na ito ay ang action director na si Lester Pimentel Ong – kilala sa mga TV series at pelikula tulad ng “Panday,” “Lastikman,” “Imortal,” “La Luna Sangre,” “Indio” and “Bagani,.

“Sobrang ipinagmamalaki ko na makagawa ng action content para sa region natin – isang bagay na sa tingin ko ay kritikal sa growth ng industriya. Maswerte ako na makatrabaho si Ian na hindi lang isang batikan na aktor, pero isa ding magaling na martial artist at athlete. Tunay na professional na ibinigay ang kanyang buong tiwala sa Studio Three-Sixty,” sabi ni Direk Lester.

Kasama ni Ian sa star-studded cast ng “One Good Day” ay sina Rabiya Mateo bilang Sandra, Andrea Torres bilang Alex Sandoval, Aljur Abrenica bilang Kyzer Catillo, Justin Cuyugan bilang Roman Rodrigo, Nicole Cordoves bilang Anne Rodrigo, Pepe Herrera bilang Joey Rodrigo, Robert Seña bilang Atty. Bobby Miclat and Menchu Lauchengco-Yulo bilang Gloria Marquez.

Mapapanood rin sa six-episode series na ito sina Claire Ruiz bilang Mayor Beatrice Marquez, Louise Abuel bilang Lucky, Joe Vargas bilang Agent Renz Cruz, Marela Torre bilang Agent Kona, Lance Pimentel bilang Lando, at Pontri Bernardo bilang Governor Paulo Simon.

Isang kuwento tungkol sa pamilya, pag-ibig, kasakiman at kapangyarihan, i-stream ang “One Good Day” sa Amazon Prime Video tuwing Huwebes simula November 17, 2022.–EUGENE ASIS