Calendar
Ilegal na paputok sinunog sa NE
CABANATUAN CITY–Winasak ng mga pulis at miyembro ng Bureau of Fire Protection-Nueva Ecija ang mga nasamsam na ilegal na paputok at pyrotechnics sa loob ng kampo dito noong Biyernes.
Ipinag-utos ni Nueva Ecija police chief P/Col. Ferdinand Germino ang pagsunog sa mga ilegal na paputok kasunod ng crackdown na inilunsad ng pulisya laban sa mga dealers at retailers na patuloy na nagbebenta ng mga ilegal na produkto.
Kabilang sa mga sinunog ang mga Pla-Pla, Judas belt, iba’t-ibang uri ng fountain, kwitis (baby rocket) at sari-saring klase ng improvised cannon.
Pinuri ni Germino ang kanyang mga tauhan sa nakumpiska nilang mga ilegal na produkto at hinimok ang mga Novo Ecijanos na iwasang tumangkilik sa mga mapanganib na paputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
“Salubungin natin nang ligtas at responsable ang Bagong Taon sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit ng mga ilegal na paputok. Marami pang makabuluhang paraan para magdiwang nang hindi inilalagay sa panganib ang ating mga sarili at ang ating mga mahal sa buhay,” aniya.