Barbers

Imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs umusad na

Mar Rodriguez May 10, 2024
136 Views

NAGSIMULA ng gumulong ang imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs kaugnay sa paglaganap umano ng illegal na shabu sa Pampanga, Subic at Zambales alinsunod sa inihaing House Resolution para magpatawag ng naturang pagsisiyasat.

Ayon sa chairman ng Committee on Dangerous Drugs na si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers, ikinasa ang pagsisiyasat batay sa inihain nilang House Resolution No. 1346 kasama si House Deputy Speaker at Pampanga 3rd Dist. Cong. Aurelio “Dong” D. Gonzales, Jr.

Ipinaliwanag ni Barbers na layunin ng imbestigasyon na alamin ang katotohanan patungkol sa nakumpiskang P3.6 billion halaga ng shabu. Kabilang na dito ang nakumpiskang shabu na nagkakahalaga ng P1.3 billion sa Mexico at Mabalacat, Pampanga.

Sinabi pa ni Barbers na tinalakay din sa pagdinig ang P3.8 halaga ng shabu shipment na nasabat sa Subic Bay Freeport. Ang House Resolution No. 1351 na isinulong ni Zambales 1st Dist. Cong. Jefferson F. Khonghun ay humihiling ng isang malalim ng pagsisiyasat.

Ikinadismaya ni Barbers na karamihan sa mga inanyayahang resources persons para magbigay linaw sa nasabing issue ay hindi sumipot sa ipinatawag niyang pagdinig. Ikinatuwiran ng mga inimbitahang panauhin ang pagkakaroon ng karamdaman.

Ipinabatid ng kongresista na nag-isyu sila ng “show cause order” sa mga inimbitahang resource persons tulad ni Architect Alex Tumang. Ang invited guest na si Roy Gomez ay pinatawan ng comtempt dahil “invalid” aniya ang rason nito sa hindi pagdalo sa imbestigasyon.