Sabungero

Imbestigasyon sa mga parak na sangkot sa 100 sabungero na nawawala inutos

Jun I Legaspi Jun 27, 2025
501 Views

INUTUSAN ni Atty. Rafael Vicente Calinisan, Vice-Chairman at Executive Officer ng National Police Commission (NAPOLCOM), ang Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) na imbestigahan kung totoo na sangkot ang ilang pulis sa pagkawala ng higit 100 sabungero.

Sinabi ni Calinisan na hindi magdadalawang-isip ang NAPOLCOM na sibakin sa serbisyo ang sinumang pulis na mapatunayang nakipagsabwatan sa grupong nasa likod ng pagpatay sa mga biktima at pagtatapon ng kanilang mga katawan sa Taal Lake sa Batangas.

Nanawagan si Calinisan sa naghain ng reklamo—o sa sinumang may nalalamang impormasyon—na maghain ng pormal na reklamo sa NAPOLCOM upang mapabilis ang resolusyon ng kaso.

Ang bagong yugto ng imbestigasyong ito ay kasunod ng mga rebelasyon sa DOJ ng isang testigo na tinukoy sa alyas na “Totoy,” na nagsangkot sa ilang mga pulis, isang guwardiya mula sa isang sabungan sa Maynila, at isang personalidad sa showbiz na konektado raw sa utak ng krimen.