Calendar
Non-working holiday sa 3 bayan
UPANG bigyang-daan ang makabuluhang pagdiriwang ng mga lokal na pista, naglabas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mga proklamasyon na nagdedeklara ng mga espesyal na non-working holiday sa tatlong bayan sa Misamis Oriental, Negros Oriental, at Zamboanga Sibugay.
Batay sa Proklamasyon Blg. 945, idineklara ang Hulyo 1, Martes bilang espesyal na holiday sa Bayan ng Magsaysay sa Misamis Oriental bilang pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Ayon naman sa Proklamasyon Blg. 946, ang Hulyo 14, Lunes ay itinakdang espesyal na non-working day sa Lungsod ng Guihulngan sa Negros Oriental para sa pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag bilang lungsod.
Samantala, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 947, idineklara ang Hulyo 26, Sabado bilang espesyal na holiday sa Bayan ng Ipil sa Lalawigan ng Zamboanga Sibugay para sa ika-76 na Araw ng Ipil.
Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang mga proklamasyon noong Hunyo 23, kung saan nakasaad na “nararapat lamang na bigyan ng buong pagkakataon ang mga mamamayan na makibahagi at tamasahin ang selebrasyon.” | PND

