Hataman1

Imbestigasyon sa trahedyang sinapit ng M/V Lady Mary Joy 3 isusulong

Mar Rodriguez Apr 4, 2023
160 Views

NAKATAKDANG maghain ng resolution ang isang Mindanao congressman para maimbestigahan ng Kamara de Representantes ang trahedyang kinasapitan ng M/V Lady Mary 3 na ikinasawi ng 31 pasahero at pagkakasugat ng iba pa habang naglalayag ang barko sa karagatan ng Basilan.

Sinabi ni House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Congressman Mujiv Hataman na maghahain siya ng House Resolution upang magsagawa ng pagsisiyasat ang Kongreso kaugnay sa aksidenteng bumabalot sa kinasapitan ng M/V Lady Mary Joy 3 noong nakaraang March 29.

Nabatid kay Hataman na nakatakda nitong ihain ang nasabing resolution sa oras na magbalik ang session sa Kamara de Representantes matapos ang halos isang buwang Holy Week break ng mga kongresista.

Binigyang diin ni Hataman na ang pangunahing tututukan ng ikakasang imbestigasyon ay ang pagrerepaso o review sa “maritime laws” kabilang na rin dito ang pagbusisi ng House Committee on Transportation sa operational rules at regulations applicable ng mga barko.

Iginigiit ng Mindanao solon na layunin ng nasabing pagsisiyasat na makapag-balangkas ng isang panukalang batas ang Kongreso upang matuldukan na ang serye ng mga trahedya sa karagatan. Sapagkat paulit-ulit na lamang aniya ang mga ganitong aksidente subalit wala naman napapanagot.

Sinabi naman ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na mahalagang malaman sa isasagawang imbestigasyon kung sino-sino ang maaaring nagkulang at nagkaroon ng kapabayaan na humantong sa pagkakasunog ng M/V Lady Mary Joy 3 na ikinamatay ng 31 pasahero.

Ipinaliwanag ni Romero na nakapa-importante din na malaman sa pagsisiyasat kung matatawag bang “sea worthy” ang nasabing barko bago ito naglayag, dumaan ba ito sa masusing inspeksiyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) at kung ligtas ba itong maglayag.

Ayon kay Romero, maraming issues ang dapat sagutin ng may-ari ng M/v Lady Mary Joy 3 kabilang na rin dito ang usapin kung nagkaroon ba ng overloading ang naturang barko ng maglayag ito noong nakaraang March 29. Dahilan sa maraming pasahero aniya ang nasawi sa trahedya na dapat sana’y naiwasan.

Binigyang diin ng kongresista na dapat lamang na mabigyan ng katarungan ang sinapit ng 31 pasahero sa pamamagitan ng pagpapanagot at pagsasampa ng kaso laban sa mga taong responsible sa nasabing trahedya.