Imee Marcos

Imee: Tama na, buking na— sibuyas naman ngayon?

278 Views

UMUUSOK sa galit na binoljak ni Senador Imee Marcos ang Department of Agriculture matapos madiskubre na ang importasyon naman ngayon ng puting sibuyas ang tinatarget angkatin ng mga sindikatong ‘agricultural smuggler’ dahil sa umano’y kakapusan ng supply sa bansa.

Ito’y kahit pa sapilitan nang nagbitiw ang isang mataas na opisyal ng DA matapos mabuko na ito ang nanguna sa pagmamaniobra para ilusot ang planong importasyon ng asukal pero ibinasura ni Pangulong Bongbong Marcos.

“Maging babala na ito sa lahat,” diin ni Marcos. “Buking na namin ang nangyayaring modus operandi. Lumang tugtugin na yan. Paulit-ulit na lang, eh,” ayon kay Marcos.

“Una, nagpupuslit sila. Sumunod nag-iimbento na sila ng kakapusan, kaakibat pa kuno ang lehitimong permiso ng importasyon,” paliwanag ng senador. “Sa susunod na linggo, di na ako magtataka kung babaha ng mga puslit na mga sibuyas sa mga palengke na saklaw ng lehitimong order ng nakalululang kantidad.”

Sa kasagsagan ng kabalastugan sa importasyon ng asukal nitong nagdaang linggo, nasabat ang Php36 million na halaga ng mga ipinuslit na sibuyas na deklaradong “spring roll patties” at “plain churros” sa Misamis Oriental.

Hanggang ngayon, hindi naman naniniwala si Marcos na may kakapusan ng puting sibuyas dahil wala namang naiprisintang mga imbentaryo nito vis-a-vis pagtatanim at sa panahon ng anihan.

“Pinaimbestiga sa DA kung may kakapusan ng puting sibuyas gayundin sa asukal at porcine PAP (processed animal protein). Pero bokya na naman sa datos ang ahensya, puro lang sabi-sabi na ‘Wala po talagang laman ang mga bodegang pinuntahan namin,’ ” paliwanag pa ni Marcos.

Tama na buking na! Hindi na kami magpapaloko! patuyang sinabi ni Marcos.