Dalipe

Impeach VP Sara fake news—House Majority leader

Mar Rodriguez Nov 16, 2023
124 Views

ITINURING na fake news ni House Majority Leader Mannix Dalipe ang mga usapan na may plano umanong i-impeach si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Dalipe walang basehan ang naturang usapan at panira lamang ng pagkakaisang pampulitika ng bansa.

Naniniwala si Dalipe na ang naturang tsismis ay isa lamang pagtatangka para paghiwalayin sina VP Duterte at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sumagot din si Dalipe kaugnay ng mga tsismis na tatakbo si Speaker Romualdez sa pagkapangulo sa 2028. Sinabi ni Dalipe na sa kasalukuyan ay abala si Speaker sa pagtaguyod ng mga panukalang batas na makabubuti sa mga Pilipino at wala pa umanong desisyon kaugnay ng pagtakbo nito sa susunod na presidential elections.

Iginiit din ni Dalipe na walang merito ang sinasabi na pinapahina ni Speaker Romualdez si VP Duterte dahil potensyal niya itong kalaban sa 2028 elections.

Sinabi ni Dalipe na patuloy na inirerespeto ni Speaker Romualdez si VP Duterte at ang paninira ay hindi umano taktika ng lider ng Kamara.

Ipinunto rin ni Dalipe na hindi basta-basta ang paghahain ng impeachment complaint sa Kongreso dahil nangangailangan ito ng matibay na ebidensya at makatwirang dahilan alinsunod sa proseso ng Konstitusyon.

Ayon kay Dalipe bagamat kahit na sinong Pilipino ay maaaring maghain ng impeachment complaint mabusisi umano ang prosesong pagdaraanan nito at kinakailangan ng mabigat na ebidensya upang ikonsidera ng Kongreso.

Iginiit din ni Dalipe na walang dapat na ikabahala si VP Duterte kung wala naman itong maling ginawa.

Nanawagan din ng House Majority Leader na pangibabawin ang katotohanan sa politika at hinimok ang publiko na huwag magkalat ng maling balita na nakakasira lamang sa proseso ng demokrasya at pagkakaisa ng mga lider ng bansa.