Chua

Impeachment ‘pagsubok ng pagiging karapat-dapat’ para kay VP Sara — Chairman Chua

117 Views

ANG nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte ay isang mahalagang “pagsubok ng pagiging karapat-dapat” para sa pambansang pamumuno na may malawak na implikasyon sa pamamahala, pananagutan, at katayuan ng bansa sa pandaigdigang komunidad.

Ito ang pahayag ni Manila Rep. Joel Chua, tagapangulo ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na kilala rin bilang House Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Chua, mahalaga ang proseso ng impeachment upang matukoy kung ang isang opisyal ng pamahalaan ay nananatiling karapat-dapat sa panunungkulan, lalo na habang hinaharap ng bansa ang masalimuot na mga hamon sa loob at labas ng bansa.

“Alam po ninyo, ito pong impeachment, ito po ay test of fitness ng ating mga leader,” ani Chua sa isang panayam sa ANC.

Nagbabala siya na ang mga kilos ng mga pambansang lider ay maaaring makaapekto hindi lamang sa mga pangyayari sa loob ng bansa kundi pati na rin sa pandaigdigang kalagayan.

“Because lahat po ng act ng leader ng bansa ay puwedeng makaapekto sa bansa at sa buong mundo kagaya ng ating nararanasan ngayon which is itong oil crisis,” aniya.

Nagpahayag din si Chua ng pangamba sa ugali ni Duterte at ang implikasyon nito sa diplomasya, lalo na kung siya ay tatakbo sa mas mataas na posisyon.

“So could you imagine sa 2028, sa 2028 siya po ay lalahok sa pagka-pangulo. Hindi po ba napakahalaga na malinis niya ang kanyang pangalan?,” ani Chua.

Dagdag pa niya: “Papaano ka haharap sa ibang mga bansa na kung hindi mo makuha ‘yung gusto, bigla ka na lang magwawala at magte-threaten ka? So that is not how you do it as a leader of the country.”

Tinutukoy umano ni Chua ang alegasyon na nagbanta si Duterte na papatayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa isang press conference noong Nobyembre 2025, na ngayon ay bahagi ng mga reklamong impeachment.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang paghawak sa pondo ng bayan, na aniya’y sumasalamin sa kakayahan ng isang lider na pamahalaan ang mas malalaking responsibilidad.

“Kung ikaw ay pinagkatiwalaan ng worth P600 million na pondo sa iyong departamento at sa iyong opisina, ay papaano pa kaya pag ikaw ay naging pangulo ng Pilipinas kung saan trillion na ang hahawakan mong pondo?,” ani Chua.

“So kung sa maliit, sa akin pong palagay, hindi naman po maliit ‘yung P600 million, pero kung sa ganitong pondo ay hindi ka mapagkakatiwalaan ay papaano pa sa trilyon trilyon na pondo?,” dagdag niya.

Ang mga pagdinig noong 2024 ng House Blue Ribbon panel, na pinamunuan ni Chua, ang naging mahalagang batayan ng mga reklamong impeachment matapos matukoy ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) noong si Duterte ay kalihim pa nito.

Nadiskubre rin ng panel ang iba pang mahahalagang isyu, kabilang ang mga umano’y iregularidad sa paglalabas ng confidential funds, kuwestiyonableng liquidation documents, at mga alegasyon ng panunuhol na kinasasangkutan ng mga opisyal ng DepEd.

Sa kasalukuyan, hinaharap ni Duterte ang impeachment proceedings sa harap ng House Committee on Justice, na nagpasya na sapat sa porma, nilalaman, at batayan ang dalawang natitirang reklamo laban sa kanya.

Patuloy na tinutukoy ng komite ang probable cause at nagsimula na ring tumanggap ng ebidensya bilang bahagi ng susunod na yugto ng proseso.