Senate

Impeachment trial ni VP Sara di magiging hadlang sa gawaing lehislatibo ng Senado

30 Views

TINIYAK ni Senador Sherwin Gatchalian na mananatiling aktibo ang Senado sa pagtupad ng tungkulin nito bilang tagapagbatas habang isinasagawa ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Ayon kay Gatchalian, magsisimula ang paglilitis sa Hunyo 3, 2025, isang araw matapos matanggap ng Senado ang mga artikulo ng impeachment mula sa Mababang Kapulungan.

“The Senate remains fully committed in fulfilling its legislative mandate and will continue to be responsive to the needs and interests of our people. While the impeachment trial is a constitutional duty that the Senate must undertake with impartiality and transparency, I am confident that this will not hinder legislation of priority measures,” ani Gatchalian.

Dagdag pa niya sa Filipino: “Tungkulin ng Senado na manatiling produktibo at nakatuon sa paggawa ng mga batas para sa ating mga kababayan at sumusulong sa pambansang pag-unlad.

Titiyakin natin na magagampanan ng Senado ang pangunahing responsibilidad nito kahit pa may impeachment trial.”

Kabilang sa mga paratang sa impeachment complaint laban kay Duterte ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang mabibigat na krimen.

Lumalabas sa mga ulat na ang mga alegasyon ay may kinalaman sa paggamit ng confidential at intelligence funds, pagbabanta umano sa ilang matataas na opisyal, at pagkakasangkot sa extrajudicial killings.

Mariing itinanggi ni VP Duterte ang mga paratang at naghain na umano ng petisyon sa Korte Suprema upang ipabasura ang impeachment complaint.

Iginiit ng kampo ni Duterte na may mga paglabag sa proseso at pulitikal na motibo sa likod ng reklamo.

Sa kabila ng mabigat na usapin, iginiit ni Gatchalian na hindi mapipigil ang Senado sa pagsulong ng mga panukalang batas na mahalaga sa sambayanan.