Arestado

Impostor na notary public nasakote

Jon-jon Reyes Mar 21, 2026
110 Views

ARESTADO ng National Bureau of Investigation (NBI)-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) agents ang isang impostor na notary public lawyer sa Las Piñas City dahil sa hindi awtorisadong paggamit ng notary commission at mga paglabag sa Revised Penal Code kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.

Ang pag-aresto bunga ng referral mula sa Vice Executive Judge ng Maynila na iniulat ang mapanlinlang na umano’y notary public na nag-aalok ng mga serbisyong notaryo sa pamamagitan ng ilegal na paggamit sa pangalan ng abogado at mga propesyonal na kredensyal.

Ang suspek ay may negosyo na “Rush Online Notary Service,” na naniningil sa mga kliyente sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga aplikasyon sa pagmemensahe sa social media.

Nagsagawa ng entrapment ang NBI-OTCD sa opisina ng suspek at nahuli sa akto ng pagsasagawa ng mga notarial function.

Nahaharap sa mga kasong kriminal ang suspek kabilang ang Falsification of Public Documents, Possession of Instruments for Falsification, Usurpation of Authority of Official Functions at Estafa by Means of Deceit.

Higit pa rito, ang mga paglabag na ito ay kaugnay ng Section 6 ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Sinabi ni NBI director Atty. Melvin Matibag na: “The NBI remains steadfast in its mission to protect the integrity of our legal system.

Hindi namin kukunsintihin ang mga indibidwal na sumisira sa notary process at nanlilinlang sa publiko para sa personal na kapakanan.

Hinihimok namin ang publiko na manatiling mapagmatyag at tiyaking nagagamit lamang nila ang mga serbisyong notaryo mula sa mga lehitimong notary public.”