Peke Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez ang nagpanggap na miyembro ng AFP matapos makitaan ng toy gun sa Manila North Cemetery.

Impostor na sundalong may toy gun tiklo sa sementeryo

Jon-jon Reyes Nov 3, 2024
90 Views

TIMBOG sa mga pulis ang binatang impostor na nagpakilalang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa pagdadala ng toy gun sa Manila North Cemetery sa Blumentritt St., Sta. Cruz, Manila noong Sabado.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code (Usurpation of Authority or Official Functions) at Section 35 ng Republic Act 10591 (Use of an Imitation Firearm) ang suspek na na si alyas Bernardo.

Bandang alas-5:50 ng hapon ng masita ang suspek sa harap ng sementeryo. Isang concerned citizen ang nagsumbong kaugnay sa isang lalaking nakitaan ng baril sa kanyang bewang.

Sa pagkakataong iyon, agad na tumungo ang mga arresting officer sa lugar at nakita ang suspek na sumisigaw habang ang mga tao sa paligid natakot dahil may nakausli itong baril sa kanyang baywang.

Nang komprontahin ng mga arresting officer ang suspek, nagpakilala ang huli na miyembro ng AFP pero walang maipakitang anumang ID at wala ding maisagot nang tanungin kung anong branch ng AFP siya kabilang.

Dito na siya hinuli ng mga awtoridad at dinala sa Alvarez Police Community Precinct.