Abalos

‘Impressive victory’ ng UniTeam asam sa Mandaluyong City

263 Views

HINILING ni dating Commission on Elections (Comelec) chairperson Benjamin Abalos Sr. sa mga taga-Mandaluyong na bigyan ng “impressive victory” sa darating na halalan ang UniTeam na pinamumunuan ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at vice presidential aspirant Sara Duterte.

Ipinaalala rin ni Abalos sa mga Mandalenyo na ang kanyang anak na si dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos, na dati ring alkalde ng lungsod ang campaign manager ng UniTeam kaya dapat buhos ang suporta sa mga kandidato nito.

“Ang gusto ko lang ipakiusap sa inyo, Benhur is the campaign manager ng UniTeam, pwede ba bigyan natin ng impressive victory ang Bongbong-Sara and team UniTeam?” sabi ni Abalos Sr. na tumatakbo sa pagka-alkalde ng lungsod.

Umapela naman ni incumbent City mayor Carmelita Abalos sa mga taga-Mandaluyong na mahalin at suportahan ang UniTeam gaya ng pagmamahal at pagsuporta ng mga ito sa kanyang pamilya.

“Mga taga-Mandaluyong, isa lang po ang lambing ko sa inyo, kung gaano nyo po ako minahal, pwede po ba yung pagmamahal na ibinigay nyo sa amin, ibigay nyo rin kay Sen. Win Gatchalian at, of course, kay Vice President Sara,” dagdag pa ni Mayor Abalos.

Isa-isa namang Pinasalamatan ni Duterte ang mga opisyal ng lungsod at mga grupo na nagtulong-tulong upang maging posible ang pangangampanya at sa mainit na pagtanggap ng Mandaluyong sa UniTeam.

“Mayor Menchie Abalos, Vice Mayor Anthony, sa atin pong candidate for Mayor —Chairman Benjamin Abalos, sa atin pong Congressman Boyet Gonzales, sa ating mga konsehal, sa ating mga barangay captains, sa ating mga barangay kagawad, mga SK president at SK Kagawad, barangay volunteers, mga barangay functionaries, nagpapasalamat po ako sa kanilang lahat dahil tinulungan nila ako at ang UniTeam na makasama kayo ngayong gabi na ito. Maraming salamat po sa kanila,” sabi ni Duterte.

Ipinagpasalamat ni Duterte ang oras at oportunidad na makasama ang mga taga-Mandaluyong City sa kanyang pagbisita noong Marso 26.