Ina Source: FB posts

Ina pinatay ng anak, itinago sa ilalim ng kama, nangamoy; suspek huli

448 Views

ISANG karumal-dumal na krimen ang nagpagimbal sa Plaridel, Misamis Occidental matapos matagpuan ang bangkay ng isang 55-anyos na ina na umano’y pinaslang mismo ng kaniyang sariling anak.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, natagpuan ang katawan ng biktima nitong Agosto 20, Miyerkules, makalipas ang ilang araw mula nang mangyari ang krimen. Napilitan umano ang mga kapitbahay na i-report sa pulisya ang insidente matapos nilang maamoy ang masangsang na amoy ng nabubulok na katawan mula sa bahay ng biktima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, Agosto 15 nang umuwi ang 15-anyos na suspek sa kanilang tahanan at humingi ng pagkain sa kaniyang ina. Nang hindi umano siya pinagbigyan, doon nagsimula ang marahas na pananakit. Paulit-ulit umanong sinuntok ng binatilyo ang kaniyang ina hanggang bumagsak ito sa sahig. Habang nakahandusay, muli pa raw nitong inuntog ang ulo ng biktima hanggang mawalan ng malay.

Hindi rito natapos ang insidente. Upang maitago ang krimen, sinubukan pa raw ng suspek na itago ang bangkay sa ilalim ng kama. Binalutan pa umano nito ng plastic ang ulo ng ina, na naging sanhi ng tuluyang pagkamatay ng biktima.

Kasunod ng insidente, kusang-loob na sumuko ang menor de edad na suspek sa pulisya at ngayon ay nasa kanilang kustodiya. Nakikipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa Municipal Social Welfare and Development Office upang asikasuhin ang kaso laban sa binatilyo.

STORY FROM THIS LINK:

https://balita.mb.com.ph/2025/08/22/15-anyos-tinodas-55-anyos-na-nanay-dahil-sa-pagkain/?-vyxktavsrnwr7qgban-sfeu_aem