PNP

PNP iimbestigahan pulis na nagpaputok ng baril sa pyesta

Alfred Dalizon Aug 25, 2025
276 Views

INIUTOS ng Philippine National Police (PNP) sa Police Regional Office (PRO)-8 ang imbestigahan ang puno’t dulo ng pagpapaputok ng isang pulis sa Northern Samar sa karera ng bangka sa lugar.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Brigadier General Randulf G. Tuaño, hindi katanggap-tanggap ang pagpapaputok ng pulis para lang sa karera ng bangka bilang selebrasyon ng pista ng barangay sa naturang lalawigan.

Dahil sa naganap, inulit ni PNP chief General Nicolas D. Torre III ang paalala sa lahat ng alagad ng batas na hindi basta-basta pinapuputok ang service firearm maliban lang kung gaganap sa tungkulin o malalagay sa bingit ng kamatayan ang pulis o sinumang civilian.

“Any misuse, regardless of intent, will not be tolerated and may subject the personnel involved to administrative and disciplinary action,” sabi ng PNP-PIO chief.

Noong nakaraang Sabado, inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District sa pangunguna ni Colonel Randy Glenn G. Silvio ang lasing na pulis na nanakot at nanutok ng baril sa dalawang tao at pinilit pang pasayawin sa loob mismo ng bahay nila.

May ranggong patrolman ang inaresto at nakatalaga sa Manila Police District Mobile Force Battalion.

Nahaharap ang inarestong pulis sa kasong grave misconduct.