Teofimar Renacimiiento

Inaamin na ni Atienza na mananalo sina BBM at Sara

292 Views

SI Lito Atienza ay kasalukuyang kandidato para sa pagka-pangalawang pangulo o bise-presidente. Katambal siya ni Senador Manny Pacquiao, ang talunang boksingero na nag-aambisyong maging susunod na pangulo ng Pilipinas.

Dating punong-bayan o mayor ng Maynila si Atienza. Sa kasalukuyan, si Atienza ay kongresista bilang party-list representative.

Sa umpisa pa lang ng kampanya, kitang-kita na ng madla na walang pag-asang manalo ang tambalang Pacquiao-Atienza.

Una sa lahat, walang sapat na talino si Pacquiao upang maging pangulo. Hindi niya nauunawaan ang saligang batas, at wala siyang sapat na kaalaman sa mga tungkullin ng isang pangulo.

Naging kongresista at senador nga si Pacquiao, ngunit wala naman siyang batas o panukala man lamang na may sapat na napakinabangan ng taong-bayan. Bakit? Madalas ay wala o “absent” si Pacquiao sa trabaho niya sa Kongreso dahil siya ay nasa ibayong dagat ng maraming buwan bawat taon, upang maghanda sa kanyang mga paligsahan sa boksing.

Hindi pumapasok sa trabaho si Pacquiao, ngunit sumasahod siya bilang mambabatas. Tapos, eto si Pacquiao, sinasabi niya na galit siya sa katiwalian o corruption sa pamahalaan.

Ayan, kaya naman halos palaging kulelat si Pacquiao sa mga election surveys.

Isang malaking kapalpakan ni Pacquiao ang pagpili niya kay Atienza na katambal niya sa halalan sa Mayo 2022.

Hindi kilala si Atienza ng mga botante sa labas ng Metro Manila at sa mga karatig na lalawigan. Walang nakakakilala sa kanya sa hilagang, gitnang at katimogang Luzon, sa tatlong bahagi ng Visayas, at sa buong Mindanao.

Inaasahan lang ni Atienza na makikilala siya ng mga botante dahil kilala ng marami si Pacquiao at baka naman mapansin siya kapag palagi niyang kasama ang talunang boksingero. Umaasa rin siya na makilala siya dahil ang anak niya na si Kim Atienza ay kilalang pangalan sa telebisyon.

Tulad ni Pacquiao, walang matinong batas o panukalang ginawa si Atienza bilang kongresista. Kilala lang siya sa Kongreso bilang taga-puri ni Pacquiao, lalo na kapag may laban ang kanyang paboritong boksingero.

Nung taong 2020, ipinagpilitan ni Atienza bilang kongresista na dapat bigyan ng bagong prankisa ang ABS-CBN, isang himpilan ng radyo at telebisyon na hawak ng mga kalaban ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi na nahiya si Atienza sa kanyang ginawa, kahit alam ng marami na ang kanyang anak ay empleyado ng ABS-CBN nung panahong iyon (lumipat na kamakailan sa ibang himpilan ang anak).

Bawal sa batas ang ginawa ni Lito Atienza na maglakad ng prangkisa para sa ABS-CBN dahil makikinabang kahit papaano ang kanyang anak kapag nagpatuloy sa himpapawid ang ABS-CBN. Maari siyang ireklamo sa Office of the Ombudsman dahil duon.

Kahit bilang mayor ng Maynila, palpak din si Atienza. Pinagiba niya ang makasaysayang gusali ng Jai-Alai sa Taft Avenue, sa likod ng Luneta. Ang nasabing gusali ay kinikilala na isa sa mga pinakamagandang halimbawa ng “art deco” na uri ng arkitekturang panggusali sa buong daigdig.

Taong 2000 nang ipinagiba ni Mayor Atienza ang gusali ng Jai-Alai building. Ayon kay Atienza, magpapatayo daw siya ng “Hall of Justice” ng Maynila sa loteng mababasyo ng gusaling Jai-Alai. Matapos niya ipagiba ang gusaling Jai-Alai, hindi natuloy ang “Hall of Justice” na ipinangako ni Atienza. Naghihinala ang marami na mayroong lihim na dahilan kung bakit madaliang ipinagiba ni Atienza ang gusaling Jai-Alai.

Bilang mayor ng Maynila, pinasarahan din ni Atienza ang Avenida Rizal o Rizal Avenue sa Santa Cruz, ang distritong kinikilalang puso ng kalakalan ng buong lungsod. Naging bawal sa sasakyang publiko at pribado ang nasabing abenida. Maraming mga negosyo ang nagsara, at mga manggagawang nasisante, dahil sa ginawa ni Atienza.

Naglagay din si Mayor Atienza ng mga restoran at beer garden sa Roxas Boulevard, sa tabi ng Manila Bay. Dahil sa kalokohang ito, nasira ang tanawin ng Manila Bay, at naging puntahan at tambayan ng mga lasenggo, drug addict at mga pokpok ang lugar na ito.

Mabuti na lang at hindi na muling nahalal si Atienza bilang mayor ng Maynila. Kung nahalal pa siya, maraming pang mga gusaling makasaysayan sa Maynila ang maari pa niyang ipagiba.

Sa dakong unahan ng taong 2022, nahulog daw si Atienza at nasaktan ang kanyang tuhod. Dahil duon, kinailangan ni Atienza na magpagamot sa ospital, at magpaliban muna sa pagkakampanya. Ito marahil ang dahilan kung hindi na nakikita si Atienza sa mga rally ni Pacquiao.

Kamakailan lamang, nagpahayag si Atienza sa media na binabalak niyang huwag nang tumakbo bilang bise presidente dahil sa maligalig na kalagayan ng kanyang tuhod. Nahihirapan daw siya maglakad, at maaring madagdagan ang problema o suliranin niya sa tuhod, kapag lumabas pa siya sa kanyang tahanan. Ayaw daw niyang maging sagabal sa kampanya ni Pacquiao.

Sa palagay ng marami, pumunta man o hindi si Atienza sa mga rally ni Pacquiao, wala naman talagang maitutulong si Atienza kay Pacquiao. Hindi kilala ng mga botante si Atienza, at kung mayroon mang nakakakilala kay Atienza, hindi maganda ang pagkakakilala nila sa kanya.

Eto pa. Nanawagan din si Atienza kay Senador Panfilo Lacson. Tulad ni Pacquiao, nag-aambisyon din si Lacson na maging pangulo ng Pilipinas. Si Senador at dating komedyanteng Tito Sotto ang lahok ni Lacson sa pagkabise-presidente.

Ayon kay Atienza, hindi na dapat ipagpatuloy ni Lacson ang kandidatura nito sa pagka-pangulo ng Pilipinas, dahil mukhang matatalo lang si Lacson. Sinabi rin ni Atienza na dapat suportahan na lang ni Lacson ang tambalang Pacquiao (para pangulo) at Sotto (bilang bise presidente).

Inamin ni Atienza na nangunguna pa rin sa puso at diwa ng halos lahat ng mga botante ang tambalan nina dating Senador Bongbong Marcos (BBM), kandidato sa pagka-pangulo, at Davao City Mayor Inday Sara Duterte, kandidato sa pagka-bise presidente ni BBM.

Para kay Atienza, sina BBM at Sara Duterte ang siguradong mananalo sa darating na halalan, maliban na lang kung sakaling maging magkakampi at palarin sina Pacquiao at Sotto.

Inihayag din ni Atienza na tuluyan na siyang magbibitiw bilang kandidato sa pagka-bise presidente kapag umayaw rin sa halalan 2022 si Lacson.

Bilang tugon, sinabi ni Lacson na pawang kalokohan ang plano ni Atienza. Ayon kay Lacson, hindi siya kakalas sa halalan.

Mukhang hindi lang tuhod ang problema ni Atienza. Sinabi ni Lacson na dapat bumalik sa paaralan si Atienza upang mag-aral ng Grade One muli.

Tulad ng tinalakay kanina, walang kwentang kandidato sa pagka-pangulo ang walang-alam na Pacquiao. Si Sotto naman, kailangan pa niyang ipaliwanag ang mga umiikot na tanong tungkol sa maaaring nalalaman niya sa pagkamatay nuong 1985 ng dating bold star na si Pepsi Paloma, isang panauhin sa palatuntunang Eat Bulaga ni Sotto. Mababasa ang nangyari kay Paloma sa online.

Kamakailan lang, tinangka ni Sotto na ipatanggal sa online news ang mga ulat tungkol sa nangyari kay Pepsi Paloma. Bakit? Yun ang tanong.

Ang mahalagang dapat pansinin sa mga pinagsasabi ni Atienza sa madla ay ang kanyang pag-amin na mananalo ang tambalang BBM-Sara Duterte sa halalang gaganapin sa Mayo 2022.

Sa pananaw ni Atienza, nakatadhana na ang tagumpay ng tambalang BBM-Sara Duterte sa darating na halalan.