Chi

Inagurasyon ng natupad na pangakong tulay ni VM Chi sinabay sa kanyang kaarawan

Edd Reyes Jul 29, 2025
256 Views

NATUPAD ang ipinangako ni Vice Mayor Chi Atienza na malagyan ng tulay ang ilog na magkokonekta sa dalawang barangay upang hindi na gumamit ng ginawa lang na balsa ang mga residente sa Balot, Tondo.

Nagbitiw ng pangako ang bise alkalde nang magtungo siya sa naturang lugar sa panahon ng kampanya at dito niya nasaksihan ang hirap na dinaranas ng mga residente sa pagtawid sa kabila ng ilog ng Estero de Maypad lalu na nang masunog noon ang mga kabahayan sa kanilang lugar.

Nalaman ni VM Atienza na para lamang takasan ang naglalagablab na apoy, ang ibang nasunugan ay tumalon sa ilog upang lumangoy sa kabilang barangay dahil ilang tao lang ang kasya ng gamit nilang balsa na gawa lamang sa plastic na drum na ipinatong sa mga kawayan.

Kinakailangan pang hilahin ng mga sakay ang balsa, gamit ang lubid na nag-uugnay sa kabilang barangay para lamang makatawid kaya’t ninais ng bise alkalde na malagyan ito ng permanenteng tulay.

Nito lang Hulyo 26, sa ika-44 na kaarawan ni VM Atienza, nag-organisa ang mga Kababaihan ng Maynila kung saan opisyal ang mga magulang ng bise alkalde na sina dating Mayor Lito Atienza at Beng Atienza upang sa Balot, Tondo ipagdiwang ang kaarawan ng kanilang anak.

Hindi inaasahan ng bise alkalde na kasabay pala ng selebrasyon ng kanyang kaarawan ang inagurasyon din ng ipinangako niyang ipalalagay na floating bridge sa naturang lugar upang maibsan na ang paghihirap ng mga residente sa pagtawid sa ilog.

“This is the best birthday of my life. I promised that if I were to win, I would want a bridge to be built here and on my 44th birthday, the bridge in Balot, Tondo is now a reality,” pahayag bg alkalde.

Sabi pa ni VM Atienza, nang matuklasan nila ni Mayor Isko Moreno na said na ang pondo ng Maynila, taimtim niyang ipinagdasal na sana ay may mga mabubuting kalooban ang tumulong sa kanya upang kaagad malagyan ng tulay ang ilog.

Dininig aniya ng Panginoon ang kanyang dasal dahil may mga lumapit at kusang nag-alok ng tulong sa paglalagay ng permanenteng floating bridge na kahit high tide o may daraang barge ay umaangat at natitiklop.