Calendar
Nasunugan sa Tondo agad may ayuda mula kay Isko, Atienza

NAGPAHATID kaagad ng tulong sina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza sa humigit-kumulang 100 pamilya na apektado ng sunog na sumiklab Martes ng madaling araw sa Tondo, Manila.
Pinangasiwaan ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Reyes Dela Fuente ang pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang nasunugan na pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng Brgy. 93 sa Inocencio St. Tondo, pati na ang pagpapalista ng pangalan ng bawa’t pamilya para mabigyan naman sila ng P15,000 tulong pinansiyal na ipinangako ng alkalde.
Ayon kay Dela Fuente, sasagutin ng MDSW ang pagkain ng mga nasunugan mula almusal hanggang hapunan na tatagal ng hanggang Biyernes, pati na ang pamamahagi ng blanket, hygiene kit, at iba, kasabay ng payo sa mga residente na magdasal at huwag mawalan ng pag-asa dahil tutulungan sila ng gobyerno upang makabangon muli.
Sumiklab ang sunog dakong alas-3:53 ng madaling araw sa ikalawang palapag ng bahay ng pamilya Guasis sa Victor Lopez Compound, Brgy. 93, Capulong Tondo, sa hindi pa batid na dahilan na tumupok sa mahigit 30 kabahayan at establisimiento.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago nakontrol ng alas-5:35 hanggang tuluyang maapula ng alas-7:03 ng umaga. Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog na tumupok sa tinatayang P100,000.00 halaga ng mga ari-arian.

