Calendar
Isko saludo kay PBBM sa paghabol sa nagbulsa sa flood control pondo
ISA si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa sumuporta at pumuri sa inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na habulin at kasuhan ang mga opisyal na nagbulsa sa pondong nakalaan sa flood control projects.
Ayon sa alkalde na isa sa mga dumalo sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, nauna na siyang umapela sa mga ahensiya ng gobyerno na ayusin ang mga hindi gumaganang pumping stations, kabilang ang nasa Sunog-Apog, na dahilan ng paglala ng baha sa lugar at nakaapekto sa napakaraming naninirahan sa naturang komunidad.
Umaasa si Mayor Isko Moreno na mabibigyan na ng atensiyon ang mga hindi pinakikinabangang pasilidad na ang ilan ay bagong tayo pa lamang pero hindi napapakinabangan dahil sira kaagad kahit ni minsan ay hindi naman pinatatakbo.
Tanong pa niya, kung bagong gawa ang pumping station o isinailalim sa rehabilitasyon, bakit aniya hindi ito mapaandar? “Dapat may managot kay Presidente. Whether congressman o sino man sila, dapat papanagutin kasi nagsalita na ang Pangulo,” dagdag pa niya.
Sabi pa ng alkalde, sinasalo ng Maynila ang tubig na nagmumula sa mga kalapit nilang mga lungsod sa Quezon City at Marikina at tumutuloy ito sa pinakamalaking ilog ng Estero de Sunog Apog kaya hanggang ngayon ay hindi pa humuhupa ng husto ang baha sa lugar.
Sa kabila naman ng pangamba sa ibinubulsang pondo ng mga pulitiko sa flood control projects, hiniling pa rin ni Mayor Isko sa national government na mamuhunan sa matagalang solusyon sa problema sa baha sa Maynila tulad ng pagtatayo ng panibagong sewage treatment plany (STP) sa mga lugar sa lungsod na malimit na binabaha.
Sa ngayon aniya, isa lang ang STP na nasa Roxas Boulevard na sumasalo sa mga tubig upang malinis na bago itapon sa Manila Bay tulad ng nakasaad sa kautusan ng Korte Suprema sa tuloy-tuloy na rehabilitasyon ng Manila Bay.

