Calendar
Natimbog ng mga ahente ng NBI sa isinagawang entrapment ang ilang indibidwal na nagpapanggap na abogado sa Davao City.
NBI natiklo 5 pekeng abogado

HULI sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang suspek na sangkot sa illegal notarization sa magkakahiwalay na lugar sa Bolton, Magallanes at C.M. Recto sa Davao City.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, bago ang pagdakip, isinailalim muna sa surveillance operation ang mga suspek at nang makumpirma ang mga aktibidad at lugar ay saka isinagawa ang entrapment.
Sa report ni NBI Southeastern Mindanao Regional Office (NBI-SEMRO) Director Arcelito C. Albao, hiniling nina Integrated Bar of the Philippines (IBP) Davao Chapter President Ferdinand Taglucop at Executive Judge Rowena Apao Adlawan na arestuhin at kasuhan ang mga suspek na nagpapanggap na mga abogado o notario publico at naniningil sa mga nagpapa-notarize ng mga dokumento.
Bunsod nito, ipinag-utos ni Santiago na hulihin ang mga salarin na mga pekeng abogado at pinaalalahanan niya ang publiko na maging mapagmatyag at alamin muna ang pagkakakilanlan ng sinomang nagpapakilalang abogado.
Nagbabala rin ito na mananagot at makukulong ang sinomang lumalabag sa batas.
Hinikayat din ni Santiago ang publiko na ireport agad sa NBI o sa IBP ang sinomang magpapanggap na abogado upang maaksiyunan.
Kasong paglabag sa notarial law ang isasampa ng NBI laban sa mga salarin.
