Yorme Isko: Pamamahala sa infra kontra baha dapat sa LGU ipaubaya

Edd Reyes Jul 30, 2025
223 Views

NAIS ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na ang mga lokal na pamahalaan na ang mamahala sa operasyon at pagmintina ng mga imprastrakturang may kaugnayan sa flood control projects.

Ayon sa alkalde, nabigo ang ahensiya ng pamahalaan na mapanatiling maayos ang mga imprastraktura na makakatulong sana upang maibsan ang mga pagbaha, bukod pa sa panghihimasok ng ilang pulitiko sa mga ganitong proyekto.

Sinabi ng alkalde na kung mabibigyan ng kapangyarihan ang mga alkalde na mamahala sa mga imprastraktura tulad ng pumping stations, kaagad silang makaka-aksiyon at sasagutin na rin kung ano man ang pananagutan.

“Let us handle it—because we face the people every day. And when we fail, there’s no one else to blame,” sabi ng alkalde.

Binigyang halimbawa ni Yorme Isko ang ilang mga bagong tayong pumping stations sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) tulad sa Sunog Apog na hanggang ngayon ay hindi mapaandar kahit katatayo pa lamang.

“If you let the mayor run it and it fails, there’s direct responsibility. In three years, if we mess up, we’re done,” sabi ng alkalde. “Tama si Presidente, ‘wag na tayo magbolahan. Alam niya ang congressman pinakikialaman ang DPWH project,” dagdag pa niya.

Pinuri naman ni Yorme Isko ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa epektibong pamamahala sa operasyon ng 72 pumping stations sa Metro Manila, kabilang dito ang 24 sa Lungsod ng Maynila.

Marami aniyang itinayong pumping stations ang DPWH na kung hindi man kumpleto ay mahina ang kalidad kaya’t hindi mapakinabangan.

Ginawa niyang halimbawa ang nasa Estero de Abad, Remedios, at Padre Faura Pumping Stations na hindi pa rin matapos-tapos kaya mabuti pa ang mga minimintina ng MMDA na hanggang ngayon ay maayos na tumatakbo.

Kung ikukumpara aniya, may flood control budget sa National Capital Region ang DPWH na P34 na bilyon kumpara sa P2 bilyon ng MMDA na mas maayos pa ang pamamahala sa proyekto.