Suspek Ang dalawang suspek JONJON C. REYES

Inakbayan muna bago binugbog, sinaksak

Jon-jon Reyes Mar 26, 2026
244 Views

PINAGTULUNGAN umanong bugbugin at saksakin ang isang 29-anyos na dalaga ng dalawa nitong kapitbahay na babae habang papauwi sa kanyang tahanan sa Int. 34 Bo. Saging, Zamora St., Brgy. 843, Pandacan, Manila, Lunes ng gabi.

Himas rehas ang dalawang suspek na sina alyas Danielle, 26, may ka-live-in, at alyas Floresca, 22, single, kapwa residente ng Bo. Saging, Zamora St., Brgy. 843.

Batay sa isinagawang pagsisiyasat ng MPD Pandacan Police Station10, bandang 9:10 ng gabi ay pauwi na ang biktima mula sa isang tindahan nang bigla siyang akbayan ng dalawang suspek.

Pagkatapos nito ay pinagtulungan na umanong bugbugin at saksakin ng mga suspek ang dalaga na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad namang naawat ang mga suspek ng mga nakasaksi sa insidente,

Rumesponde ang mga tauhan ng Barangay 843, Pandacan, Maynila na naging dahilan ng pagkakaaresto ng mga suspek.

Isinugod ang biktima sa Sta. Ana Hospital, kung saan siya ay nasa maayos na kalagayan at kasalukuyang nagpapagaling.

Lumilitaw sa imbestigasyon na matagal nang may alitan ang magkakapitbahay.

Ang mga naarestong suspek ay dinala sa pinakamalapit na ospital para sa pisikal na pagsusuri. Sila ay nahaharap sa kasong paglabag sa sa Art. 249 ng Revised Penal Code o frustrated homicide.