Chinese

BI agents hinuli Chinese na sangkot sa telecom fraud

Jun I Legaspi Mar 26, 2026
283 Views

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) agents ang isang Chinese national dahil sa pagkakasangkot sa telecom fraud sa Makati noong Marso 25.

Isinagawa ang operasyon ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa pamumuno ni Chief Rendel Ryan Sy katuwang ang Philippine National Police sa paghuli sa suspek na si Zhang Jinglong, 29, sa Mercedes St., Brgy. Bel-Air, Makati matapos makumpirma na siya ay pinaghahanap sa Guangdong, China dahil sa telecom fraud.

Kasama ni Zhang sina Zhang Pengguang, Feng Mincong at Zhang Yunpeng, na pawang Chinese din at nabigong magpakita ng pasaporte o dokumentong pang-imigrasyon.

Sinubukan pang linlangin ni Zhang ang mga awtoridad sa pamamagitan ng pagpapanggap na siya ay mamamayan ng Vanuatu at hindi Chinese citizen.

Nagdulot din ng pangamba ang ulat na si Zhang ay tila protektado ng mga armadong indibidwal, kabilang ang isang aktibong pulis at isang reservist.

Batay sa rekord, pumasok si Zhang sa Pilipinas noong Nobyembre 2019 bilang pansamantalang bisita ngunit nanatili sa bansa nang walang bisa ng extension, dahilan upang siya ay maituring na overstaying alien.

Siya ay kasama sa blacklist order dahil sa paglabag sa batas-imigrasyon.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy ang kampanya ng BI laban sa mga dayuhang sangkot sa pandaraya at iba pang transnational crimes.

“Hindi natin pahihintulutan na samantalahin ng mga kriminal ang ating sistema o gawing basehan ang bansa para sa mga mapanlinlang na gawain,” ani Viado.