Calendar
Source: NCRPO
Motorista nagpa-full tank, di nagbayad, tumakas
NANLUMO ang isang pump attendant matapos takasan ng isang motorista na nagpa-full tank pero hindi nagbayad sa isang gasolinahan sa EDSA, Quezon City, madaling araw ng Linggo (Marso 22).
Sa ulat, alas-1:00 ng madaling araw nang dumating ang suspek at nagtanong pa kung may diesel. Nang masigurong meron, agad itong nagpakarga hanggang mapuno ang tangke.
Pero imbes na magbayad—bigla na lang itong humarurot at iniwan ang pump attendant.
Sinubukan pang habulin ng pump attendant ang sasakyan at nakisakay sa isang motorcycle taxi rider pero wala na itong naabutan.
Umaabot sa ₱5,196.45 ang halaga ng diesel na naipakarga ng suspek na hindi nito binayaran.
Nagsasagawa ng follow-up operation ng La Loma Police Station, habang nakikipag-ugnayan na rin sa Metropolitan Manila Development Authority at Land Transportation Office para matukoy at mapanagot ang nasabing motorista.

