DMW

DMW isinara opisina ng illegal recruiter

Jun I Legaspi Mar 27, 2026
124 Views

DMW1IPINASARA kamakailan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang umano’y opisina ng suspendido at ilegal na recruiter pati ang visa firm na katabi nito na bumibiktima ng mga nagnanais na magtrabaho sa Europe.

Kinandado ang Creative Artist Placement Service, Inc. at kaanib nitong Schengen Visa Cals sa Ermita, Maynila dahil sa umano’y ilegal na rekrutment ng mga Pilipinong manggagawa.

Ayon kay Undersecretary Bernard Olalia, nag-aalok ang dalawang kumpanya ng trabaho sa Europa sa pabrika, pagsasaka, housekeeping, paglilinis, at pagmamaneho na may sahod na P80,000.

Kapalit ito ng placement fee na mula P120,000 hanggang P150,000 pero hindi naipadala sa Europe ang mga aplikante kahit lumipas ang mahigit isang taon ng paghihintay.

Kanselado na ang lisensya ng naturang recruitment agency, at ang mga tauhan nito ay isasama sa list of persons with derogatory record ng DMW upang hindi na makalahok sa programa ng pamahalaan para sa overseas recruitment. Sila rin ay kakasuhan ng ilegal na rekrutment.

Sa kabuuan, umabot na sa pitong establisimyento ang naipasara ng DMW ngayong taon dahil sa parehas na violation.