Huli Himas rehas ang suspek na nahulihan ng baril na walang kaukulang papele sa Florentino St., Sampaloc, Manila.

Lalaki hinuhuli sa boga umiskerda, nakorner tiklo

Jon-jon Reyes Mar 27, 2026
92 Views

TIMBOG ang 32-anyos na lalaki ng mga operatiba ng Manila Police District-Espana police community precinct dahil sa bitbit na baril sa Antipolo St. corner P. Florentino St., Brgy. 505, Zone 50 Sampaloc, Manila noong Biyernes.

Nakilala ang suspek na si alyas Simeon, tricycle driver, na nahuli bandang alas-3:35 ng madaling araw dahil sa pagdadala ng baril na walang kaukulang papeles.

Base sa isang saksi, bandang alas-3:00 ng madaling araw ng may mag-ulat tungkol sa lalaki na gumagala habang nagwawala at may hawak na baril.

Pumunta sa lokasyon sina PCpl John Eric Ilagan at Pat Johnraizhar Iddi upang i-verify ang nasabing ulat.

Pagdating ng mga pulis sa lugar, nakita ang suspek na nakatutok ang hawak na baril sa mga dumadaan at nagdulot ng gulat at panganib.

Sa halip na makipagtulungan, tumakas pa ang suspek kaya nagkaroon ng habulan pero nakorner ng mga pulis ang suspek kaya naaresto at nabawi ang ebidensyang baril.

Inihahanda na ang reklamo na paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013) laban sa suspek.

Ang mga nakumpiskang baril at bala ay isusumite sa MPD Forensic Group para sa ballistic examination.