Veloso Source: FB

Indonesia walang hininging kapalit sa pagpapa-uwi kay Mary Jane Veloso

77 Views

PINAG-AARALAN na ng pamahalaan na ilagay sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City ang overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jane Veloso na nahatulan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa kaso ng illegal drug.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Department of Justice (DOJ) spokesman Assistant Secretary Mico Clavano na pinag-aaralan din na ilagay si Veloso sa pasilidad sa Bureau of Corrections na pinangangasiwaan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Clavano, inatasan na ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ang NBI na sunduin si Veloso.

Nagpasalamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Indonesian President Prabowo Subianto dahil sa kabutihan nito.

“I extend my heartfelt gratitude to President Prabowo Subianto and the Indonesian government for their goodwill. This outcome is a reflection of the depth of our nation’s partnership with Indonesia — united in a shared commitment to justice and compassion,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, ang hakbang ng Indonesia ay salamin ng malalim na ugnayan ng dalawang bansa bilang magkaalyadong nasyon at nagkakaisa sa layunin para sa katarungan at malasakit.

Dagdag pa niya, matapos ang mahigit isang dekadang pakikipag-usap at apela sa pamahalaan ng Indonesia ay pinagbigyan ang Pilipinas.

“After over a decade of diplomacy and consultations with the Indonesian government, we managed to delay her execution long enough to reach an agreement to finally bring her back to the Philippines,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Idinagdag din ng Pangulo na ang kuwento ni Veloso ay tumatagos sa puso ng marami na isang ina na naipit sa kahirapan na gumawa ng isang desperadong desisyon na nagbago sa takbo ng kanyang buhay.

At bagama’t pinapanagot aniya si Veloso sa ilalim ng batas ng Indonesia, sinabi ng Pangulo na nananatili siyang biktima ng sirkumstansiya.

Taong 2010 nang maaresto si Veloso dahil sa pagdadala ng mahigit dalawang kilo ng cocaine sa Indonesia.

“Thank you, Indonesia. We look forward to welcoming Mary Jane home,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Umaasa naman si Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na makauuwi ng bansa si Veloso bago mag-Pasko.

Ayon kay de Vega, hindi pa alam ni Veloso ang magandang balita na ililipat na siya ng kostudiya sa Pilipinas.

Sinabi ni de Vega na walang hininging kapalit ang Indonesia sa pagbibigay ng kostudiya kay Veloso sa Pilipinas.

“There are a lot of speculations as to what was the return or what was the condition. The Indonesians have not requested any payback for this. May I clarify, this is not in return for anything. Of course, from ASEAN we know about debt of gratitude and that similarly they may request something for us in the future but right now, they are not asking anything in return for this arrangement.

It is just a matter of them…of their devising and still a work in progress for Indonesia their official policy of the transfer,” pahayag ni de Vega.

Bukas ang pamahalaan ng Indonesia na bigyan ng presidential clemency ng pamahalaan ng Pilipinas si Veloso.

Sinabi ni de Vega na bago ang isang taon ay maaaring mapalaya na si Veloso. Batid aniya ng Indonesia na walang death penalty sa Pilipinas.

Tinatrabaho na aniya ng pamahalaan ng Pilipinas ang commutation of sentence ni Veloso sa Indonesian government, para pagdating sa Pilipinas ay maikonsidera naman ang pagbibigay ng clemency.

Sinabi pa ni de Vega na nakikita nila sa bagong presidente ng Indonesia ang pagiging liberal at posibleng pagpapatupad ng moratorium sa kanilang bansa sa parusang death penalty.