AFP Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations:Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD),People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER),Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, kung saan itinataguyod niya ang katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino

Inilunsad ng AFP na hakbang para protektahan PH patunay na Pinas di papasindak — Goitia

Jon-jon Reyes Nov 24, 2025
222 Views

INILUNSAD ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang apat na pangunahing hakbang upang protektahan ang soberanya, pangalagaan ang karapatang pandagat, at ipagtanggol ang isang rules-based international order.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, malinaw na ipinapakita ng mga hakbanging ito na ang Pilipinas ay maninindigan at hindi susuko sa anumang uri ng panggigipit o pananakot.

Una, nagpapatuloy ang AFP sa tuloy-tuloy na presensya at patrol sa WPS, bilang malinaw na pagpapakita ng soberanya sa gitna ng agresibong galaw ng Tsina.

“Kapag ang presensya ay batay sa batas, nagiging tunay itong lakas,” ani Goitia.

Ikalawa, pinalalawak ng Pilipinas ang kooperasyon sa allies at partners sa pamamagitan ng joint patrols, maritime exercises, at diplomatikong koordinasyon.

“Kapag may mga kaalyadong nakasuporta sa iyo, nagiging imposibleng maitago at maipaliwanag ang anumang kilos na agresibo,” ani Goitia.
Patunay ito na hindi nag-iisa ang Pilipinas at masusing binabantayan ng mundo ang kilos ng Tsina.

Ikatlo, ginagamit ng AFP ang mabilis na paglalabas ng impormasyon, matibay na ebidensyang nakadokumento, at pagpapalakas ng boses sa international media upang ilantad ang mga paglabag ng Tsina at salungatin ang mga pekeng naratibo.
Ayon kay Goitia, ang katotohanan ang pinakamabisang sandata:
“Walang kasinungalingang nakakatagal kapag nasinagan ng katotohanan. Kapag nakita ng mundo ang tunay na pangyayari, kusang bumabagsak ang mga panlilinlang.”

Ikaapat, ipinatutupad ng buong bansa ang isang whole-of-nation approach, kung saan nagtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan, civil society, pribadong sektor, at komunidad upang labanan ang ilegal, mapanupil, agresibo, at mapanlinlang na taktika ng Tsina, kabilang ang cyber intrusions, influence operations, at political interference.

“Sa oras na magkaisa ang buong bayan, hindi tayo kayang pabagsakin ng anumang puwersa mula sa labas,” aniya.

Matatag na Pagtindig laban sa Agresyon ng Tsina

“Ang dagat ay simbolo ng ating karapatan at pamana bilang bansa. Hindi ito basta-basta isinusuko,” diin ni Goitia.

Pinuri niya ang AFP sa epektibong paggamit ng transparency, pakikipag-alyansa, at pambansang pagkakaisa upang ilantad ang agresyon ng Tsina at palakasin ang posisyon ng Pilipinas.

“Nabubuhay ang soberanya kapag pinipili ng bayan ang tapang kaysa takot at ang katotohanan kaysa pananakot,” saad ni Goitia.