Rape Source: PNP-PIO

14 pulis sinibak sa pagkakasangkot sa rape, robbery sa Cavite; commander sibak din

486 Views

PINANATILI ni acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang kanyang polisiya ng “zero tolerance” laban sa mga tiwaling pulis, matapos ma-relieve ang 15 opisyal at tauhan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa Calabarzon dahil sa rape charges na isinampa laban sa kanila ng isang Grade 9 student na kanilang inaresto sa isang sting.

Ani PNP DEG Director Brigadier Gen. Elmer E. Ragay, iniutos niya ang administrative relief ng DEG Special Operations Unit-4A chief at kanyang 14 na tauhan dahil dito.

Sinabi niya na bandang 12:40 ng madaling araw ng Linggo, tinawagan siya ni Police Regional Office 4A Director Brig. Gen. Paul Kenneth T. Lucas tungkol sa complaint ng robbery with rape laban sa kanyang mga tauhan na naka-assign sa Calabarzon region.

Walo sa mga DEG SOU-4A personnel ang naaresto at sasailalim sa inquest proceedings sa local prosecutor’s office ng Lunes. Anim ang nananatiling at large ngunit ilan sa kanila ay nagsabi ng intensiyong sumuko.

Ani Ragay, agad niyang tinawagan ang pinuno ng SOU-4A na wala umano sa naganap na operation at nasa Tuguegarao City.

“As a result, I have relieved the commander of the unit and 14 of his personnel. All of them are now under the Administrative Holding Unit of the PDEG pending the filing of administrative charges against them in coordination with the PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM). I assure you that we won’t tolerate any misdeeds. We have a zero tolerance policy and justice will be served to the complainant,” aniya.

Sinabi ni Ragay na ang operation sa Bacoor City ay may Target Intelligence Packet at awtorisa mula sa Philippine Drug Enforcement Agency.

“However, the buy-bust operation did not materialize kasi nakatakbo ang suspect. Ang complainant is the girlfriend of the suspect. We’re just waiting for the result of the test on the suspected drugs recovered sa compartment ng sasakyan ng mga pulis,” aniya.

Sinabi pa niya na ang main target ay may dati ng drug case noong 2022 at isang “high-value individual.” Ang paunang impormasyon sa kanya ay negative result ang operation sa Bacoor City.

“Through backtracking, nakita ng ating mga investigators ang galaw ng mga operatiba, nakita kung paano nakatakas ang suspect. My deputy director for operations, Col. (Marlon) Catan, was there to conduct an immediate accounting, coordinate with the provincial director, render necessary assistance needed in the investigation,” ani Ragay.

Sinabi niya na itinanggi ng mga akusadong pulis ang charges at sasagutin ang mga alegasyon sa korte, habang ang complainant ay nasa kustodiya na ng Bacoor police.

Sa kabila ng insidente, patuloy ang kampanya kontra ilegal na droga, aniya.

“Derecho ang pagtatrabaho namin, we won’t let this affect us. Just this morning, me nakuhang 1.3 kilos of shabu sa Eastern Visayas. It’s something we continually do in everyday basis,” sinabi niya.

Dagdag pa niya, ipinag-utos na ni Nartatez sa PNP DIDM ang pag-file ng administrative at criminal charges sa mga akusado.

“They would be put in custody and pay and allowances will be cut. The others who are yet to surrender will be considered as AWOL,” aniya.

“We might consider it as an isolated incident because I’ve been only at the helm of the PDEG for a week. Wala naman tayong naging problema sa previous assignments,” sinabi niya.

Ang PDEG 4A chief na na-relieve ay naka-official leave sana mula Nobyembre 25 hanggang 28 at sa Disyembre 1, ayon sa opisyal.

“However, he went to the province ahead of his official leave and thus, he may face administrative charges for abandonment of post,” paliwanag niya.

Si Col. Darwin Miranda, pinuno ng PNP DEG Intelligence Division, ang itinalagang bagong Region 4A chief ng unit.

“Hindi po tayo nagkulang sa pagpapaalala sa tropa. Ever since, may advise na po sa lahat ng commanders ang ating Chief PNP and we re-echo it down the line. If after all these efforts, may magkakamali pa din, sila na ang answerable for that,” saad niya.

Dagdag pa ni Nartatez, hindi kukunsintihin ng PNP ang anumang uri ng pang-aabuso o maling gawain.

“The uniform represents Service, Honor and Justice, and it is a privilege that comes with great responsibility. Those who deviate from these standards will face swift and appropriate consequences under the law,” giit niya.

Nanawagan din siya sa unit commanders na palakasin ang supervision at mentorship, dahil ang vigilant leadership ay mahalaga aniya upang maiwasan ang pang-aabuso.

“Supervise your personnel closely, provide guidance and mentorship, correct misconduct, and ensure that discipline and integrity are upheld in every unit,” pahayag niya.

Tiniyak niya sa publiko na patuloy ang organisasyon sa pagprotekta sa mga komunidad at pagpapanatili ng kumpiyansa ng mamamayan, sa pamamagitan ng transparent at principled action.

Ang mga personnel ng PDEG SOU-4A ay inaresto sa loob ng kanilang opisina sa PRO-4A headquarters sa Camp Vicente Lim ng alas-2 ng madaling araw ng Linggo.

Ayon sa complainant, nasa labas siya ng kanyang tirahan sa Bacoor City nang dumating ang akusado, kinuha ang kanyang phone at hinatak siya sa loob ng kanyang bahay. Sinabi pa niya na ni-ransack ng pulisya ang bahay sa paghahanap sa kanyang boyfriend.

Sinabi ng biktima na isa sa mga akusado ay pinilit siyang mag-oral sex sa kanya bago siya ginahasa.

Imbestigasyon ng Napolcom

Samantala, agad na nagsagawa ng malawakang imbestigasyon ang National Police Commission (Napolcom) kaugnay ng umano’y insidente ng pagnanakaw at panghahalay sa Bacoor, Cavite, na kinasasangkutan ng 14 na miyembro ng PDEG SOU-4A.

Kinumpirma ni Napolcom Chief Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan na isang apat-kataong investigative team ang ipinadala sa Bacoor City, upang magsagawa ng independiyenteng pagsusuri sa mga pangyayari at tukuyin ang administratibong pananagutan.

Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Komisyon sa mga unit ng pulisya sa lugar upang makuha ang lahat ng kinakailangang dokumento, ebidensiya at salaysay para mapabilis ang fact-finding process.

“Kumilos kami nang walang pag-aalinlangan,” ani Calinisan. “Bago pa man inilabas sa publiko ang buong detalye, nakapaglunsad na ang Napolcom ng imbestigasyon upang matiyak na ito ay magiging patas at masusi. Hindi kami papayag na lumipas ang kahit isang araw nang walang aksyon, lalo na kung nakataya ang integridad ng serbisyo ng pulisya.”

Mariing kinondena ni Calinisan ang insidente at tinawag ang mga umano’y gawain bilang “kasuklam-suklam, hindi katanggap-tanggap, at isang pagtataksil sa tiwala ng publiko.”

Binigyang-diin niya na tungkulin ng Napolcom na tiyakin ang pananagutan at panatilihin ang pamantayang inaasahan mula sa kapulisan.

“Hindi tayo papayag, hindi kailanman, na ang kapulisan ay masangkot sa pang-iipit ng droga, pagnanakaw at lalo na sa panghahalay,” diin ni Calinisan.

“Mananagot ang dapat managot. Titiyakin ng Napolcom na hindi ito malalampasan ng mga sangkot. Kasuklam-suklam ang ginawa nila, at sisiguraduhin nating tatamaan ang dapat tamaan,” dagdag niya.

Batay sa paunang ulat na natanggap ng Komisyon, napag-alamang ang diumano’y operasyon ng mga pulis ay pawang walang koordinasyon, dokumentadong awtorisasyon at rekord ng anumang lehitimong aktibidad ng pulisya sa oras na iyon ― mga salik na lalo pang nagdudulot ng seryosong pang-administratibo at operasyonal na alalahanin.

Bilang bahagi ng mandato nito, inihahanda na ng Napolcom ang pagsasampa ng administratibong kaso kung mapatunayang may probable cause sa kasalukuyang imbestigasyon.

Kabilang dito ang grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer, na may mabigat na parusa gaya ng tuluyang pagpapatalsik sa serbisyo.

Pinuri rin ng Napolcom ang mabilis na aksyon ng Bacoor City Police, Regional Intelligence Division, Regional Headquarters Support Unit at Regional Mobile Force Battalion, na sa kanilang magkakaugnay na follow-up operation ay nagresulta sa pagkakaaresto ng walong tiwaling pulis at pagbawi ng mga ninakaw na gamit.

“Karapat-dapat ang publiko sa isang kapulisan na kanilang mapagkakatiwalaan,” ani Calinisan. “At hindi namin hahayaan na dungisan ng iilan ang dedikasyon ng nakararaming tapat, marangal, at masisipag na pulis.”

Kumpirmado ng Komisyon na personal na ihahain ng biktima ang kanyang reklamo sa tanggapan ng Napolcom sa Nobyembre 25, upang pormal nang makapagsimula ang administratibong proseso. Nina ALFRED DALIZON & JUN I. LEGASPI