Lacson

Lacson: Manatiling galit pero di marahas

234 Views

NANAWAGAN si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na manatiling “galit” ngunit hindi marahas ang publiko habang lumalakas ang aksyon ng mga awtoridad laban sa umano’y maanomalyang flood control projects, kabilang si dating Rep. Elizaldy Co na may inilabas nang arrest warrant.

Ayon kay Lacson, malaking bahagi ng pagkilos ng Malacañang, Office of the Ombudsman, at Department of Justice ang presyur mula sa taumbayan.

“Ayokong humupa ang galit, huwag lang magulo. Kung humupa, baka mag-slacken ang effort ng authorities… Pero ‘wag maging violent tulad ng Sept. 21 protest na sinisira ang traffic lights,” aniya sa DWIZ.

Dagdag niya: “No matter how many, no matter how long it takes, get to the bottom at makuha ang logical conclusion.”

Sinabi rin niya na ang mabilis na aksyon ng Ombudsman nitong nakaraang Biyernes ay sapat upang mapahiya ang mga kritiko na nagsasabing hindi kayang galawin si Co.

Kaugnay ng ulat na nakita si Co sa Japan, sinabi ni Lacson na maaaring minomonitor na ng Interpol ang kanyang galaw. “Sasakay at sasakay ‘yan sa eroplano… So tina-track na siya… Pero sa ngayon dahil kung patuloy ang pag-track di siya mawawala sa radar ng Interpol,” aniya.

Kung maibabalik si Co sa bansa, posible umano siyang iharap sa Blue Ribbon Committee. Gayunman, kapag nasa Sandiganbayan na ang kaso, kailangan umanong iwasan ng komite ang paglabag sa sub judice rule.

Binigyang-diin ni Lacson na hindi dapat madaliin ang proseso basta humahantong ito sa “logical conclusion” — pagsasakdal, pag-usig, at posibleng pagkakakulong. Binanggit niya ang pahayag ni dating Undersecretary Roberto Bernardo na sina dating undersecretaries Adrian Bersamin at Trygve Olaivar ang nagpasok umano ng P100 bilyon sa 2025 budget nang hindi alam ng Pangulo, matapos umanong makalusot ang kaparehong galaw noong 2024.

“Ang alam ko lang, lumulusot kasi sila kaya sa 2025 malakas uli loob nila,” ani Lacson.

Noong 2024, sinabi niyang may P50 bilyon na nadivert mula sa unprogrammed appropriations, kabilang ang P30 bilyon para sa flood control projects.

Ang listahan umano ng mga proyekto ay ginawa ni dating Undersecretary Ma. Catalina Cabral at tinalakay kina dating Secretary Manuel Bonoan at Bernardo.

Dagdag ni Lacson, maaaring umabot sa 2,000 o higit pa ang bilang ng mga personalidad na masasangkot. Ang inisyal na 1,200 ng Independent Commission for Infrastructure ay mula lang sa 420 “ghost projects” sa 8,000 na unang sinuri, na umakyat na umano sa 472. “Napakalawak kaya ‘di lang 1,200 ‘yan. Baka umabot ng 2,000 mahigit,” aniya.