Pagasa

Init ng panahon titindi pa dahil sa El Nino

145 Views

MAARING tumindi pa ang init ng panahon sa National Capital Region (NCR) dahil sa El Nino at “warm and dry season” ngayong Mayo na pwedeng umabot sa 40.3 C, ayon sa  Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Martes.

Sinabi ni Dra. Ana Solis, Climate Monitoring and Prediction Chief ng PAGASA, nitong April 15 naitala ang maximum daytime temperature na 36.9 °C  sa Pasay at maaaring pumalo pa sa 40.3 °C hanggang sa pagtatapos ng Mayo.

Mas mainit sa mga urban areas dahil matindi ang ‘heat emission’ ng mga sementadong lugar tulad ng mga gusali at kalsada.

Gayunman, hindi naman matatawag na ‘heat wave’ ang nararanasang matinding init  sa Pilipinas ngayon.

Paliwanag ni Solis, limang araw na mataas ang heat wave o “beyond normal” ang temperatura at sa ibang bansa lamang ito nararamdaman.

Aniya, sa kasaysayan ng init panahon sa Metro Manila naitala ng pinaka-mataas na temperatura na 38.9 °C sa bansa noong 1915 at posible itong maabot pagdating ng buwan ng Mayo.

Niliwanag din nito na iba sa heat index ang temperatura na nararamdaman sa katawan ng isang tao.