PBBM

Iniutos ni PBBM amnestiya sa multa para sa di nabayarang PhilHealth kontribusyon

320 Views

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na magpatupad ng isang pangkalahatang amnestiya, na magbibigay sa mga may-ari ng negosyo, employer, at mga self-employed na miyembro ng isang beses na pagkakataon upang bayaran ang kanilang mga hindi nabayarang kontribusyon nang walang interes at multa para sa late payment.

“Sa aming patuloy na pagtulong sa ating mga kababayan, lalong-lalo na sa tinatawag nating healthcare, inutusan ko po ang PhilHealth na magpatupad ng general amnesty para sa mga negosyante, private employer, mga self-employed na ating mga kababayan na may hindi nabayarang kontribusyon sa PhilHealth,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang mensaheng ipinalabas sa kanyang opisyal na social media account noong Huwebes.

Iniutos ng Pangulo ang isang beses na pag-waive sa tatlong porsiyentong pinagsama o naipong buwanang interes na ipinapataw sa mga hindi nabayarang premium contribution, dahil sa mabigat na pasaning pinansyal na dulot nito sa mga miyembrong nahihirapang bayaran ang kanilang obligasyon.

Dagdag pa ng Pangulo, inaasahang makikinabang sa pangkalahatang amnestiya ang humigit-kumulang 300,000 miyembro ng PhilHealth.

“Alam naman namin na ‘yung three percent na binabayad para sa PhilHealth eh medyo — na buwan-buwan ay ramdam na ramdam ng ating mga kababayan,” ani ng Pangulo.

“Kaya’t inutusan ko po ang PhilHealth, gagawin natin ngayong taon na ito, 2026, ang tinatawag naming one-time waiver para sa interest ngayong taon,” dagdag niya.

Ayon pa kay Pangulong Marcos, bibigyan ng pamahalaan ang mga apektado ng isang taon upang bayaran ang lahat ng kanilang nakaligtaang kontribusyon mula 2013 hanggang 2024.

Hinimok din ng Pangulo ang mga employer na i-update ang rekord ng kanilang mga empleyado at tiyaking sila ay naka-enroll sa PhilHealth YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program).

Ang PhilHealth YAKAP ay isang pinalakas na primary care program na nagbibigay ng libreng konsultasyon, mahahalagang gamot, laboratory test, at cancer screening upang maisulong ang maagang pagtuklas ng sakit at mabawasan ang gastusin sa kalusugan ng mga Pilipino.

Muling iginiit ni Pangulong Marcos ang pangako ng pamahalaan na pagaanin ang pasanin ng mga Pilipino sa gastusin sa pangangalagang pangkalusugan.

“Kaya po ito ay patuloy naming ginagawa upang pagaanin ang dala ng ating mga kababayan tungkol nga sa mga healthcare costs at sa lahat ng iba’t ibang hamon na hinaharap ng ating mga kababayan araw-araw,” wika ng Pangulo.