Calendar
Paglalakbay papasok, palabas ng PH patuloy na lumalago
INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) na nakaproseso ito ng kabuuang 15.6 milyong pasaherong dumating sa bansa noong 2025, na nagpapakita ng patuloy na paglago ng internasyonal na paglalakbay papasok at palabas ng Pilipinas.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nakapagtala ang mga immigration officer sa lahat ng internasyonal na pantalan ng 15,608,868 na pagdating mula Enero hanggang Disyembre 2025, kabilang ang 6,704,007 na dayuhang mamamayan.
Ang naturang bilang ay halos anim na porsyentong mas mataas kumpara sa 14,733,597 na pagdating na naitala noong 2024.
Binigyang-diin ng hepe ng BI na nananatiling nakatuon ang ahensya sa pagsuporta sa mga layunin ng pamahalaan sa turismo at ekonomiya sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na modernisasyon.
“Patuloy naming pinaiigting ang modernisasyon ng aming mga proseso sa imigrasyon—pinalalawak ang mga automated system, ina-upgrade ang mga pasilidad, at pinatitibay ang aming tauhan—upang matiyak ang mas mabilis, mas ligtas, at mas maginhawang serbisyo sa mga biyahero,” ani Viado. “Mahalaga ang mga repormang ito upang mapadali ang lehitimong paglalakbay ng mga turista at iba pang manlalakbay.”
Dagdag pa ni Viado, ipagpapatuloy ng BI ang pagtutok sa pag-angkop ng mga programa nito sa adyenda ng pambansang pamahalaan para sa digitalisasyon at mahusay na paghahatid ng serbisyo publiko, habang nananatiling mapagbantay laban sa transnational crimes at mga pang-aabuso kaugnay ng paglalakbay.

