Tulfo

Sen. Raffy Tulfo nagsusulong ng hospital benefits para sa mga public school teachers

223 Views

NAGHAIN si Sen. Raffy Tulfo ng panukalang batas na naglalayong maisabatas ang pagkakaloob ng abot-kaya at accessible na serbisyong pang-ospital para sa mga guro sa pampublikong paaralan at kanilang mga dependents.

Sa paghahain ng Senate Bill No. 1585, binanggit ni Tulfo ang isang 2023 study na inilathala sa Acta Medica Philippina na nagpakitang maraming guro sa Pilipinas ang nakararanas ng stress-related disorders, altapresyon, at mga problemang musculoskeletal na lalo pang lumalala dahil sa kakulangan ng access sa preventive health care.

Binanggit din niya ang pahayag ng World Health Organization na nagsasabing mas mataas ang panganib ng occupational burnout at chronic fatigue sa mga guro, lalo na yaong nagtatrabaho sa mga kulang sa pasilidad na lugar, kapag hindi sapat ang mga sistemang sumusuporta sa kanilang kalusugan.

“Sa kabila ng mga hamong ito, nananatiling limitado at watak-watak ang mga benepisyong pangkalusugan at pang-ospital para sa mga guro sa pampublikong paaralan,” ayon kay Tulfo.

Dagdag pa niya, ang kawalan ng malinaw at organisadong hospital benefits ay naglalagay sa mga guro sa mas dehadong kalagayan kumpara sa ibang kawani ng pamahalaan na may kanya-kanyang medical privileges.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1585, inaatasan ang lahat ng pampublikong ospital na magbigay ng preventive, promotive, diagnostic, curative, at rehabilitative na serbisyong pangkalusugan para sa mga guro. Inaatasan din ang mga ospital na magbigay ng hindi bababa sa 10 porsiyentong diskuwento sa konsultasyon at gastusing pang-ospital ng mga guro, gayundin ang pagtatatag ng fast-lane facilities para sa kanila.

“Sa pamamagitan ng pagtiyak ng access sa serbisyong pang-ospital at mga benepisyong medikal, tinutugunan ng panukalang ito hindi lamang ang mga hindi pagkakapantay-pantay sa kalusugan na nararanasan ng mga guro sa pampublikong paaralan kundi pinatitibay rin ang kabuuang sektor ng pagtuturo,” ayon kay Tulfo.