Calendar
PH Embassy sa Washington DC: J-1 visa pansamantala lang, hindi para maging US citizen
NAGBIGAY ng paalala ang Embahada ng Pilipinas sa Washington DC sa publiko na ang J-1 Exchange Visitor Program visa ay isang pansamantala at non-immigrant na programa na idinisenyo para sa cultural exchange, at hindi ito employment o work visa.
Sa advisory nito noong Enero 6, sinabi ng Embahada na dapat alam ng mga guro mula sa Pilipinas na ang paglahok sa programang ito ay hindi nagdudulot ng permanent residency o citizenship sa United States.
Binigyang-diin nito na dapat tandaan ang mga tuntunin ng programa, na ang mga J-1 teachers ay kinakailangang bumalik sa Pilipinas matapos makumpleto ang programa.
Base din sa tuntunin, ang mga guro ay saklaw ng two-year home-country physical presence requirement. Ang paghingi ng waiver para dito ay mahirap makuha, hindi garantisado, at nangangailangan ng exceptional hardship o highly meritorious circumstances, ayon sa advisory.
Nagbabala ito na ang pag-overstay sa US lampas sa awtorisadong panahon ng pananatili ay isang malubhang paglabag sa batas ng imigrasyon ng US, na maaaring magresulta sa deportasyon at long-term bans.
Ayon sa Embahada, nakatanggap ito ng mga report tungkol sa mga illegal recruiter, mapagsamantalang ahente, at mga indibidwal na nagpapanggap bilang immigration lawyers na nanghihingi ng malaking halaga para sa tulong sa imigrasyon.
Nangangako rin ang mga ito ng US permanent residency o citizenship sa pamamagitan ng J-1 program, at hinihikayat ang overstaying, maling paggamit ng visa, o pag-file ng asylum claims para lamang manatili sa US.
“Teachers who are J-1 visa holders or applicants are urged to participate in the program only with a clear understanding of its objectives and limitations,” sinabi ng Embahada sa advisory nito.
“Those considering long-term immigration options must seek advice from a qualified U.S. immigration attorney,” saad pa ng Embahada.
Para sa mga katanungan, hinihikayat nito ang publiko na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa https://tinyurl.com/wdcpedirectory o sa pinakamalapit na Philippine consulate: https://tinyurl.com/yck559z8.

