Magsino

Internet voting bill aprubado sa 2nd pagbasa

Mar Rodriguez May 10, 2024
163 Views

NAGPAHAYAG ng labis na kagalakan si OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino matapos aprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang inakda nitong “internet voting bill” para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa kaniyang sponsorship speech, sinabi ni Magsino na bilang principal author ng House Bill No. 6770 layunin ng panukalang batas na mas palawigin pa ang registration at tinatawag na voting methods para sa mga botanteng OFWs na nakapaloob naman sa mga umiiral na batas.

Ipinaliwanag ni Magsino na sa ilalim ng House Bill No. 6770 o ang Overseas Electronic Registration and Voting Act magkakaroon ng pagkakataon ang mga OFWs na maglagak ng kanilang boto sa pamamagitan ng internet voting o electronic regiostration at iba pang pamamaraan ng teknolohoya.

Sinabi pa ni Magsino na binibigyan din ng panukalang batas ng pagkakataon ang mga OFWs na gamitin ang kanilang karapatang makaboto (suffrage) ng karapat-dapat na kandidato. Pinorotektahan naman ng panukala ang “sanctity ng kanilang balota”.

“Half the battle is won and I consider this victory for our overseas voters. Matagal na natin itong ipinaglalaban. At ngayong araw ay nakakatuwa na nagbunga ang ating pagsusumikap sa Kamara, we expect this will likewise boost the efforts of our colleagues in the Senate to pass the counterpart bill,” sabi ni Magsino.

Binanggit din ng OFW lady solon sa kaniyang talumpati ang mababang “voter’s turnout” ng mga boto sa hanay ng mga OFWs. Itinuturing ito ni Magsino bilang malaking hamon para sa kaniya upang lalo nitong ipursige ang pagsusulong sa HB No. 6770.

Ayon kay Magsino, ang isa mga dahilan ng mababang “voter’s turnout” ay ang malayong lugar na pinagta-trabahunan ng mga OFWs kaya napakahirap para sa kanila ang magtungo sa Embahada ng Pilipinas para bumoto.