ipc

IPC bill malamang di pa maipasa ngayong taon

173 Views

SINABI ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na malamang na hindi pa maipapasa ngayong taon ang panukalang batas para sa Independent People’s Commission (IPC), kahit pa ang umiiral na investigative body—ang Independent Commission for Infrastructure (ICI)—ay nananatiling legal ngunit kasalukuyang hindi makakilos matapos ang sunod-sunod na pagbibitiw ng mga miyembro.

“Next year na. Only budget for the 29th. ICI investigations suspended naman yata,” sagot ni Sotto sa media kaugnay ng estado ng IPC bill.

Ang ICI ay nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 94 upang magsagawa ng imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa mga flood control projects at infrastructure contracts. Hindi pa ito nabubuwag sa legal na termino, ngunit hindi na ito makapagpulong o makagawa ng opisyal na aksyon matapos magbitiw si Commissioner Rossana Fajardo—ang ikalawang commissioner na umalis.

Ang natitira na lamang sa ICI ay ang Chairman at isang special investigator, dahilan upang hindi ito makabuo ng quorum para sa pormal na pagpapatuloy ng mga imbestigasyon.

Tinawag ito ng ilang mambabatas mula sa House minority bloc na “a lost cause,” kasunod ng pagbibitiw ni Fajardo.

Nang tanungin kung ito ay hudyat na para bilisan ang IPC bill, sagot ni Sotto: “I think ICI and the other investigations being or had been conducted have given ample findings for the DOJ and the Ombudsman to continue with their work and pursue cases against the guilty ones. IPC bill will aid soon and more so for future investigations”.

Ang IPC bill ay isang panukalang batas na kasalukuyang nasa antas ng komite. Layunin nitong bumuo ng isang permanenteng komisyon na may sapat na kapangyarihan sa pag-iimbestiga, kabilang ang pagpapatawag ng subpoena at paghawak ng mga kasong may kinalaman sa katiwalian sa imprastruktura.

Hindi pa naglalabas ng anumang pahayag ang Malacañang kung itutulak ba ang panukala sa pamamagitan ng special session.

Ang huling sesyon ng Senado sa Disyembre 29 ay para lamang sa pag-apruba ng pambansang badyet.

Sa kabila ng pagkaantala, binigyang-diin ni Sotto na maaaring gamitin ng DOJ at Ombudsman ang mga natuklasan ng ICI upang magsampa ng mga kaso.