Father Edwin

Pulisya pinaigting imbestigasyon sa nawawalang pulis

Zaida Delos Reyes Dec 26, 2025
313 Views

NAGPAALAM umano sa mga kasamahan na mangungumpisal ang nawawalang si Father Edwin Cutz Caintoy, parish priest ng San Jose De Malibago.

Ito ang inihayag ni Police Captain Junriel Rosario ng Babatngon Municipal Police Station.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, sinabi ni Captain Rosario na nakakuha sila ng mga CCTV footage mula sa ilang mga establisyimento sa Tacloban City na pinuntahan ng pari.

Napag-alaman na umalis ang pari mula sa Babatngon at nagtungo sa Tacloban para mangumpisal umano sa Sto, Niño Church o sa Redemptorist Church, ngunit mula noon ay hindi na ito nakabalik.

Nangako naman ang PNP na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para malaman kung ano ang nangyari sa nawawalang pari.

Kaugnay nito, nilinaw ng Leyte Police Provincial Office (LPPO) tanging ang inilabas nilang pahayag noong December 25,2025 tungkol sa pagkawala ng pari ang tanging opisyal at awtorisadong pahayag ng LPPO tungkol sa isyu.

Wala aniyang katotohanan ang naglabasang post sa social media na nagsasabing kinumpirma ng LPPO na nataguan na si Father Caintoy.

Anila, hindi totoo at hindi beripikado ang impormasyon at wala silang inilalabas na pahayag tungkol dito.

Payo ng LPPO sa publiko na maniwala lamang sa mga opisyal na communication channels ng kanilang provincial office para sa mga beripikadong update upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon na maaaring makaapekto sa patuloy na imbestigasyon.

Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon sa insidente.