Calendar

IRR ng Magna Carta of Filipino Seafarers ipinabubusisi ni Magsino sa COWA
IPINABUBUSISI ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino sa Committee on Overseas Workers Affairs (COWA) na pinamumunuan ni TINGOG Party List Representative Jude Acidre ang naging Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 10221 o ang Magna Carta of Filipino Seafarers.
Ito ang nakapaloob sa House Resolution No. 2306 na inihain ni Magsino sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para hilingin sa Committee on Overseas Workers Affairs na magsagawa ito ng pagsusuri sa mga probisyong nakasaad sa IRR.
Partikular na tinukoy ni Magsino ang nakasaad sa Rule VII, Section 6 ng RA No. 10221 kung saan tumutukoy ito sa kahulugan ng “monthly salary” ng mga Pinoy Seafarers.
Sabi ng kongresista na ang naturang probisyon ng IRR ay itinuturing na bahagi ng “monthly salary” o ang “fixed – guaranteed overtime pay” ng mga Filipino Seafarers kabilan na dito ang 80% required allotment na nakasaad naman sa Section 38 ng batas.
Paliwanag pa nito na dapat malinaw ang pagkakahiwalay ng monthly salary mula sa fixed – guranteed overtime pay sa pagkalkula ng 80% allotment kung saan ang pagsasama nito sa IRR ay nagdudulot ng pangamba para sa mga Pilipinong marino lalo na sa aspeto ng kanilang take-home pay at personal na gastusin.
Pagbibigay diin ni Magsino na ang interpretasyon sa IRR ay maaaring Ituring na “ultra vires” o lagpas sa kapangyarihang nakapaloob sa IRR drafting committee sa ilalim ng batas.
“Sa halip na magsilbing proteksiyon ang ilang bahagi ng IRR ay tila naging dagok sa kanilang mga benepisyo. Hindi ito ang layunin ng ipinaglaban nating Magna Carta of Filipino Seafarers. Kung kaya’t ang IRR taliwas sa intensiyon ng batas. Dapat itong suriin at busisiin sa lalong madaling panahon,” paliwanag ni Magsino.