Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

DQ case vs BBM ibinasura ng Comelec

383 Views

IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) First Division sa botong 2-0 ang lahat ng kaso ng diskwalipikasyon laban sa kandidato ng pagkapangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil wala daw itong mga saysay (“lack of merit”).

Matatandaan na pinapadiskwalipika si Bongbong Marcos dahilan sa hindi nito pag file ng income tax returns noong siya ay gubernador ng Ilocos Norte mula 1982 hanggang 1985. Matatandaan na nahatulan ng Court of Appeals si Marcos ng multa lamang. Hindi siya nahatulan ng pagka kulong. Hindi rin siya pinatawan ng permanent disqualification.

Ipinaliwanag ng Comelec na ang batas na umiiral noong panahon na iyon ay ang 1977 Tax Code (National Internal Revenue Code). Ayon sa Comelec, walang parusa ng permanent disqualification sa pagtakbo sa anumang posisyon sa gobyerno sa 1977 Tax Code para sa hindi pag pasa ng income tax returns.

Ang parusa ng permanent disqualification ay naisabatas lamang at naging epektibo noong Enero 1, 1986, noong binago ang Tax Code. Nasa ating saligang batas na bawal ipataw ang parusa ng isang batas sa ano mang nangyari bago ito naging epektibo. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng Comelec na ang hindi pagpasa ng income tax returns ay hindi mali “in the absence of a law punishing it.”

Wala pang batas sa 1977 Tax Code na nagsasabi na diskwalipikado si Bongbong Marcos sa hindi niya pagpasa niya ng income tax returns. Naging batas lamang ito noong 1986.

Wala ring sinabi ang Court of Appeals na hindi maaring tumakbo si Bongbong Marcos sa kahit ano mang posisyon sa gobyerno. Matagal ng final o nagwakas ang desisyon ng Court of Appeals.

Idiniin din ng mga nag petisyon laban kay Bongbong na ang hindi daw pagpasa ng income tax returns ay isang karumaldumal na krimen, na dahilan pa upang siya ay madiskwalipika.

Ipinaliwanag ng Comelec na dahil sa walang batas na nagsasabi na mali ang hindi pagpasa ng income tax returns sa 1977 Tax Code, at dahil walang hatol na pagkakulong ang Court of Appeals, hindi masasabi na ang hindi pagpasa ni Bongbong Marcos ay isang krimen na karumaldumal o crime of moral turpitude.

Idinagdag pa ng Comelec na hindi dapat tanggalan ng karapatan si Bongbong Marcos na maiboto ng sambayanan ng ganun ganun na lamang o “whimsically and capriciously”. Hindi daw gawain ng Comelec ang kumitil sa karapatan na maiboto.

Napakaimportante ring karapatan ng bawat tao na iboto ang sino man na gusto nilang iboto. Para na ring pagpigil sa boses ng masa ang pagdiskwalipika sa nais nilang ihalal. Si Bongbong ang nangunguna sa mga kandidato ngayon ayon sa mga surveys. Meron siyang halos 60% na boto, mas malaki pa sa lahat ng ibang kandidato kahit na pagsamasamahin ang kanilang survey results.