RIT

Isa sa 2 suspek na pumatay at nagnakaw ng P.5M at motorsiklo ng negosyante, kilala na ng pulisya

Edd Reyes Dec 6, 2025
396 Views

RIT1KILALA na ng pulisya ang isa sa riding-in-tandem na pumatay at nagnakaw ng malaking halaga ng salapi at motorsiklo sa 25-anyos na negosyante sa Taguig City.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Acting District Director P/BGen. Randy Arceo, kinilala ng Taguig police ang 27-anyos na suspek na si alyas “Sonny” na malinaw na nakuhanan ng CCTV ang mukha habang tumatakas, sakay ang ninenok na motorsiklo ng pinaslang na biktimang si alyas “Hernan”, dating SK Kagawad at kasosyo sa isang malaking negosyo ng lechonan sa bayan ng Pateros.

Nangyari ang insidente ng pagnanakaw at pamamaslang kamakailan sa kanto ng A Luna at Camia Sts., Brgy. Ususan nang harangin ng mga suspek na magka-angkas sa motorsiklo ang biktima at puwersahang kinuha ang dala niyang sling bag na may lamang P.5 milyong cash at minamanehong motorsiklo.

Naglakad ng palayo ang biktima nang sundan pa ng suspek at binaril ng dalawang beses sa likod at nang bumulagta, dalawang ulit pang pinaputukan bago tumakas, tangay na ang motorsiklo na kalaunan ay inabandona rin sa kasunod na barangay.

Sa ginawang profiling ng Crime Information, Reporting, and Analysis System (CIRAS) ng pulisya, natuklasan na may standing warrant of arrest ang suspek sa mga kasong murder, robbery, robbery with violence, at carnapping sa mga korte ng Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch, 262, 267, 153, at 69

Naglaan naman ng P300,000 pabuya ang Lokal na Pamahalaan ng Bayan ng Pateros para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga suspek para sa agaran nilang pagkakadakip.