Calendar

Isko: Marami akong testigo na walang nagutom sa Manila ‘nong time ko
KUMUKUHA ng lakas si dating alkalde Francisco “Isko Moreno” Domagoso mula sa mga tunay na Manileño na saksi sa kanyang pamumuno at nagawa para sa lungsod.
Sa proclamation rally ng “Yorme’s Choice” sa Moriones St., Tondo noong Biyernes ng gabi, kumpiyansa si Domagoso na patas siyang huhusgahan ng mga taong kanyang pinagsilbihan, lalo na noong pandemya.
“Marami-rami na akong testigo, kayong mga naparito, testigong buhay, matangos ang ilong nating maipagmamalaki na noong panahon ng pandemya, walang nagutom sa Manila,” sabi ni Domagoso.
Iginiit din ni Domagoso na ang istilo sa pagtugon sa pandemya nakaangkla sa obligasyon ng isang ama na ipaglaban ang kapakanan ng kanyang mga anak.
“Kapag walang makain ang anak ninyo, gagawan niyo ng paraan, ‘di ba? ‘Yan din ang ginawa ko bilang ama ng dalawang milyong Manileño,” aniya.
Aminado ang dating alkalde na nangailangan siyang makiusap sa Sangguniang Panlungsod upang umutang para matustusan ang mga programa kontra COVID-19.
“Napapanood niyo ako lagi sa FB noon every Friday nagre-report ako. Kailan ako nagsinungaling sa taumbayan noong panahon ng pandemya?” tanong ng alkalde.
“Pumanatag kayo, mga Batang Maynila,” ani Yorme. “’Wag kayong mag-alala. Kapag wala na akong maibenta, ‘tong relo na ito, ipatatasa ko kay Tambunting,” biro ng dating alkalde.
Tumatakbo uli si Domagoso para sa pagka-alkalde ng Maynila, dala ang pangakong ibalik ang kalinisan, disiplina at kaayusan sa lungsod.